Amalia, halos nag-iisa na sa buhay

November 14, 2018
Amalia Fuentes
Amalia Fuentes

BUKOD sa kanyang nakababatang kapatid na si Alex Muhlach, ang  kanyang son-in-law na si Albert Martinez, ang kanyang tatlong apo (sa namayapang anak na si Liezel Sumilang-Martinez) na sina Alyanna, Alissa at Alfonso, mga pamangkin at iba pang mga kaanak, halos nag-iisa na lamang ngayon ang dating movie queen na si Amalia Fuentes.  Sumakabilang-buhay ang kanyang ex-husband, ang American businessman  na si Joey Stevens nung 2012 na sinundan ng kanyang anak na si Liezel nung March 15, 2015 dahil sa breast cancer.  Namayapa naman ang unang husband ni Nena (Amalia), ang veteran actor na si Romeo ‘Bobby’ Vasquez nung May 2, 2017 sa Los Angeles, California.  Last November 12, 2018 ay binawian ng buhay ang youngest brother ni Nena na si Cheng Muhlach, ama ng magkakapatid na Arlene, Aga, Albert, Almira, Barok, AJ at Andrew.  Nitong nakaraang November 10, araw ng Sabado ay namayapa naman  ang adopted son nina Nena at Joey na si Gerard `Geric’ Stevens due to cardiac arrest sa edad na 35 sa San Francisco, California.

Forty-eight naman si Liezel nang ito’y sumakabilang-buhay.

Ayon sa panganay nina Albert at Liezel na si Alyanna Martinez-Macam, mahal na mahal umano ng kanyang uncle Geric si Liezel.  Nang sumakabilang-buhay si Liezel ay ipina-tattoo ni Geric sa kanyang right forearm ang portrait ng kanyang Ate Liezel.  Very close din si Liezel kay Geric nung ito’y nabubuhay pa.

Ang 78-year-old retired movie queen na si Amalia suffered ischemic stroke habang ito’y nagbabakasyon sa South Korea nung October 9, 2015 na agad isinugod ng kanyang kaibigan sa isang pagamutan doon.  Nanatili si Nena (Amalia) sa isang pagamutan ng South Korea bago ito pinayagan ng mga doctor na ibiyahe pabalik ng Manila.  Sinundo siya ng nabubuhay pa noong si Cheng. Mula sa tarmac ng NAIA ay agad dinala ang veteran actress sa isang kilalang pagamutan sa Pasig kung saan ito nanatili sa loob ng mahigit apat na buwan.

Kasalukuyang nasa kanyang bahay in New Manila, Quezon City si Nena with her 24/7 nurses. Patuloy pa rin  ang kanyang therapy hanggang ngayon.

Si Nena ay may isa nang apo sa tuhod, si Adalynn Riley, anak ng apong si Alyanna sa husband nitong photographer na si Roy Macam.  Sina Alyanna at Roy at ikinasal in San Francisco, California, USA nung August 2016 at isinilang naman si Adalynn nung January 19, 2018.  Si Alyanna na  isang celebrity fashion stylist at mister nitong si Roy at daughter na si Adalynn ay naka-base ngayon sa Los Angeles, California.  Si Alyanna rin ang nagbalita sa pamamagitan ng kanyang Facebook account sa pagkamatay ng kanyang uncle Geric.