Anak ni Alvin nag-propose sa model-GF habang may show

October 21, 2019
Angelo James Patrimonio & Jasmine Maierhofer

MALAPIT nang magkaroon ng manugang ang dating basketball superstar at retired PBA player na si Alvin Patrimonio matapos mag-propose ang kanyang panganay na lalake na si Angelo James Patrimonio sa kasintahan nitong model, ang Fil-Australian na si Jasmine Maierhofer kamakailan lang.

Ang marriage proposal ni Angelo ay ginanap sa curtain call ng isang fashion show kung saan si Jasmine ang huling lalabas.

Walang kaalam-alam si Jasmine na may something special ang magaganap sa kanyang recent fashion event na sinalihan dahil kinasabwat pala ni Angelo ang organizer at mga nasa likod ng fashion show na doon niya itataon ang kanyang proposal.

Nasa stage na si Jasmine kaharap ang audience nang biglang may lalaking magsalita sa kanyang likuran at agad niyang nakilala ang boses ng kanyang nobyo. Surprised pero natuwa si Jasmine sa ginawang proposal ng fiancé.

Magsisimula na ang dalawa sa preparasyon ng kanilang kasal na inaasahang mangyayari sa isang taon.

Bukod kay Angelo, ang mag-asawang Alvin at Cindy Patrimonio ay may tatlo pang anak na sina Tin, Clarice at Asher na tiyak na may special participation sa upcoming wedding nina Angelo at Jasmine.

Si Jasmine na isang fashion model  ay laking Puerto Galera in Mindoro kung saan merong sariling beach resort ang kanyang  Filipino and Australian parents.