Ang dapat gawin habang may community quarantine

March 13, 2020

PINAIIRAL ng ibang mga Pilipino ang kamangmangan dahil hindi nila naiintindihan ang pagkakaiba ng  lockdown at community quarantine na ipatutupad ng Duterte government sa Metro Manila simula bukas, March 15 nang hatinggabi para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Kapag sinabing lockdown, nangangahuluhan ito na mananatili lamang ang mga tao sa kanilang mga tahanan at ang pamahalaan ang magbibigay ng lahat ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan.

Malaya naman na makalalabas ang mga residente mula sa kanilang mga tahanan ang kahulugan ng community quarantine pero hindi sila maaaring umalis sa Metro Manila at pumunta sa ibang mga lugar o probinsya.

At para hindi umiral ang pagiging ignorante sa current events, dapat maging vigilant ang lahat, lalo na ang mga kababayan natin na umiikot na lang ang buhay sa lahat ng uri ng social media platforms. In short, huwag maging tanga at magpakatanga.

Huwag basta paniniwalaan ang mga nababasa sa Facebook, Twitter, etc. Hangga’t maaari, iwasan, i-mute o i-block ang Facebook friends na siksik, liglig at umaapaw ang mga negative post gayong napakaraming positive things na matututunan  sa COVID-19.

Masama sa mental health ang mga negative social media post dahil naghahatid ito ng pangamba at paranoia sa mga taong mahihina ang loob.

Gamitin ang isang buwan na community quarantine sa paglilinis ng tahanan at kapaligiran, ituon ang atensyon sa kahalagahan ng pamilya, tumulong at makiisa para labanan ang COVID-19,  huwag makalilimot na magdasal at magpasalamat sa Diyos dahil sa mga aral na itinuturo niya sa pamamagitan ng sakit na bumulabog sa sangkatauhan.