Ang totoong buhay ni Allen Dizon

January 18, 2020
Allen Dizon

HINDI na dapat kuwestiyunin pa ang pagiging  mahusay na  actor ni Allen Dizon dahil 37 acting awards na ang hawak nito (both as best actor and best supporting actor) mula sa iba’t ibang award-giving bodies hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Ang pinaka-latest ay ang pagkakapanalo niyang best actor sa nagtapos na ika-45th Metro Manila Film Festival para sa pelikulang “Mindanao” na pinagtambalan nila ni Judy Ann Santos.  Ito’y pinamahalaan ng  premyadong director na si Brillante Mendoza.

Allen was not the popular choice to win the best actor award sa nakaraang MMFF Awards night kundi si Aga Muhlach na bida sa pelikulang “Miracle in Cell No. 7” pero siya ang pinaboran ng judges.

In our recent interview kay Allen, inamin ng actor na hindi umano siya gaanong nag-expect na siya ang mananalo.  Pero kung kay Aga napunta ang award, wala umanong naging problema sa kanya dahil isa umano si Aga sa kanyang mga hinahangaang actor sa industriya.

“Magsisinungaling ako kung sasabihin ko na hindi rin ako umasa.  Lahat naman ng mga nominado sa isang award-giving body ay umaasa na makuha nila ang parangal. Maraming beses din naman akong nabigo pero maluwag sa kalooban kong tinatanggap ang aking pagkatalo sa paniwalang may kani-kanya kaming panahon at pagkakataon,” pahayag ni Allen

Ayon kay Allen, gumagawa umano siya ng isang proyekto na hindi ang award ang nasa kanyang isip at puso kundi ang pagbibigay ng kanyang best sa project.

Sa 2019 Cairo International Film Festival kung saan nanalong best actress si Judy Ann Santos for “Mindanao,” nabigyan din ang pelikula ng best artistic contribution na parehong personal na tinanggap ni Allen dahil parehong hindi nakadalo sina Direk Brillante at Judy sa nasabing international filmfest.

“Ang pakiramdam ko, para na rin akong nanalo dahil sa dalawang awards na ako mismo ang tumanggap,” kumpisal ni Allen.

Si Allen ay nagsimula sa showbiz in 1998 sa pamamagitan ng pelikulang “Curacha: Ang Babaeng  Walang Pahinga” na dinirek ni Chito Rono under Regal Films.  Ito’y tinampukan nina Rosanna Roces, Ara Mina, Ruby Moreno at Jaclyn Jose.  Magmula noon ay naging sunud-sunod na ang mga pelikulang ginagawa ni Allen at karamihan sa mga ito ay mga sexy movies.  Naging in-demand din si Allen sa mga indie movies kung saan marami siyang napanalunang awards bilang best actor at best supporting actor tulad ng mga pelikulang “Bomba,” “Sekyu,” “Iadya Mo Kami,” “Imbisibol,” “Kamkam,” “Sigwa,” “Dukot,” “Paupahan,” “Twilight Dancers” at “Magkakabaung”.

Pinasok din ni Allen ang pagiging indie movie producer.

Kung titingnan  si Allen ay aakalain na isa itong happy-go-lucky actor at papalit-palit ng babae pero kabaliktaran ito sa totoong buhay.

Allen is a God-fearing and family-oriented person.  Gaano man kalayo ang San Fernando, Pampanga ay umuuwi siya roon after shootings and tapings to be with his wife na si Crystele at apat nilang anak na sina Nella Marie (17), Felixia (14), Lucas (11) at Allene (6).

Dati ay meron umano silang isang condo unit sa Wack-Wack Tower in Mandaluyong pero ito’y ibinenta na rin nila dahil hindi nila halos ito napupuntahan.

Ang wife niyang si Crystele ay school sweetheart ni Allen.  Una silang ikinasal sa huwes nung January 30, 2001 na sinundan ng kanilang church wedding noong June 8, 2005.

Bago pinasok ni Allen ang showbiz ay naging kinatawan siya ng Pampanga sa Ginoong Pilipinas in 1997.  Hindi man siya ang nanalo, nakapag-uwi naman siya ng dalawang special awards.  At ito rin ang kanyang naging pasaporte sa kanyang pagiging modelo at pagpasok sa showbiz.  Naging bahagi rin noon si Allen sa “Viva Hot Men”.

Nasa showbiz na si Allen ng kanyang simulan ang kanyang buy-and-sell business ng used cars na hanggang ngayon ay kanya pa ring ginagawa.  

Natuto rin si Allen magtayo ng ibang negosyo sa tulong na rin ng kanyang misis.  Meron silang sariling franchise ng KFC in San Fernando at ngayong April ay magbubukas na rin ang sarili niyang franchise ng Gerry’s Grill, also in San Fernando, Pampanga.

Ang tahanan ni Allen and his family ay meron walong kuwarto sa isang malawak na lote sa isang exclusive subdivision in San Fernando, Pampanga kung saan makikita ang walong iba’t ibang luxury cars ng actor.  Pero sa kabila ng kanilang mala-mansion na bahay at kaya nilang magbayad ng ilang kasam-bahay,  wala silang katulong kundi sila-sila lamang ng kanyang wife at apat na anak ang nagtutulung-tulong sa mga gawaing bahay.

“At an early age ay tinuruan na namin ang mga bata na matuto ng trabahong-bahay,” ani Allen.

“Limang taon na rin kaming walang katulong dito sa bahay,” dagdag pa ng actor.

Unless may shooting o taping si Allen, he makes it a point na parati siyang may oras sa kanyang pamilya at may times na nagdi-date pa rin umano sila ng kanyang misis na silang dalawa lang.

“My family is my inspiration,” pagmamalaki pa ng actor.