Angel babalik din sa trabaho pagkatapos ng kasal

September 27, 2019

SA October 4, 2019 na magtatapos sa ere ang top-rating action-drama series na “The General’s Daughter” na pinagbibidahan ni Angel Locsin at tinatampukan ng isang powerhouse cast na binubuo nina Albert Martinez, Tirso Cruz III, Eula Valdez, Janice de Leon, Maricel Soriano, Arjo Atayde, JC de Vera, Paulo Avelino, Ryza Cenon, Loisa Andalio at Ronnie Alonte.

Sa kabila ng pagiging consistent top-rater ng serye ay kailangan na itong tapusin dahil magiging abala na si Angel sa nalalapit nilang kasal ng kanyang businessman-producer fiancé na si Neil Arce.  Pero sinabi ni Angel na ilang months lang umano siya magpapahinga at babalik din siya agad sa kanyang trabaho.

Sobrang napamahal nang husto kay Angel ang “The General’s Daughter” TV project niya at ang mga kasamahan niya sa serye.

“Isa pong pamilya ang nabuo sa amin sa “The General’s Daugter” kaya tiyak na mami-miss namin ang isa’t isa after our last taping,” pag-amin ni Angel na sa kabila ng kanyang back ailment ay nagawa pa rin niya ang mga stunts na ni re-require sa kanya as Rhian Bonifacio.

Nagpasalamat din si Angel and the rest of the cast sa lahat ng mga sumuporta at patuloy na tumututok sa serye hanggang sa pagtatapos nito on October 4.