Angel tumutulong nang palihim sa mga biktima ng lindol

November 03, 2019
Angel Locsin

MAAGAP kung tumulong sa mga biktima ng kalamidad si Angel Locin.  And as much as possible ay ayaw niya itong ipaalam sa publiko pero ang ibang tao ang nagpu-post ng kanyang humanitarian deeds.

Dahil sa sunud-sunod na pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, lumipad patungong Davao City si Angel kasama ang kanyang soon-to-be-husband, ang businessman-producer na si Neil Arce para mamahagi ng tulong  sa mga biktima ng lindol sa tulong ng Philippine Red Cross – Davao.  Hindi rin nagkait ng tulong si Angel sa iba pang mga naunang kalamidad na nangyari sa iba’t ibang bahagi ng bansa at kasama na rito ang bagyong Ondoy sa Metro Manila at ang naging mga biktima  sa Marawi pagkatapos ng giyera sa pagitan ng ating mga sundalo laban sa Maute group.   Tumulong din si Angel sa  mga biktima ng  bagyong Yolanda sa Eastern Visayas.         There was even a time na ibinenta ni Angel ang isa niyang mamahaling vintage car para lamang makatulong sa iba pang mga biktima ng iba pang  kalamidad.  Ganoon kadakila ang puso ni Angel sa pagtulong sa kanyang kapwa laluna ang mga biktima ng iba’t ibang kalamidad.

Samantala, hanggang ngayon ay tahimik pa rin ang engaged couple na sina Angel at Niel sa pagbabahagi  sa mga detalye ng kanilang nalalapit na pag-iisang-dibdib tulad ng petsa ng kanilang kasal at kung saang simbahan ito gaganapin.  Maging ang bumubuo ng kanilang wedding entourage ay inililihim pa rin ng soon-to-be Mr. & Mrs. Neil Arce.

Ang nasabi lang ni Angel, ilang buwan lamang daw siya magpapahinga after the wedding at babalik agad siya sa kanyang trabaho bilang actress.