Annabelle, ka-tandem ni Vice sa 2019 MMFF

January 03, 2019

MAY tsansang mag-tandem sa big screen ang komedyanteng si Vice Ganda at ang showbiz feisty “monster” mom na si Annabelle Rama sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong 2019.

Ito ang isa sa matutunog na usapan matapos manguna sa 2018 filmfest box-office derby ang unang pagsasama ni Vice at ng anak ni Tita Annabelle na si Richard Gutierrez.

Minsan na ring nagsama sa MMFF si Vice at ang unica hija nina Tita Annabelle at Tito Eddie na si Ruffa Gutierrez (Girl, Boy, Bakla, Tomboy).

Sa pakikipagkwentuhan ni Tita Annabelle sa ilang kaibigang entertainment editors, natatawa  siya sa ideya ng pagtatambal nila ni Vice.

Siyempre nga naman, kwela iyon kapag natuloy.

Pero sa ngayon, nasa alapaap pa nga si Tita dahil sa malaking tagumpay ng Fantastica nina Chard, Vice at Dingdong Dantes sa MMFF 2018.

Nakakalimang panood na nga raw siya nito sa dami ng mga kakilalang nagpapa-block screening.

Maging ang mga kamag-anak nila here and abroad, aligaga sa pagsuporta sa movie ni Chard.

Bukod dito, busy din si Tita Annabelle sa pagpu-promote ng pre-Valentine show na prinodyus niya sa ilalim ng sariling Royal Artist Management Inc.

Tinawag na Valentine Extravaganza, tampok sa show, na gaganapin sa Marriot Grand Ballroom AB sa February 12, sina Pilita Corrales, Mitch Valdez, Sunshine Cruz, Sarah Lahbati, Mitoy, Eddie Mesa at si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.

“May duet sila ni Pilita,” paliwanag ni Tita Annabelle nang usisain ang magiging participation ni Panelo sa V-Day show.

Paano kung himukin siya nito na muling pumasok sa mundo ng pulitika?

Umiling si Bisaya sabay sabing ayaw na muna niyang tumakbo sa kahit na anong posisyon nitong paparating na eleksyon.

Matatandaang minsan nang kumandidato si Tita Annabelle bilang kongresista (1st district) ng Cebu City pero ’yun na nga, hindi pinalad na magwagi.