Anne at Coco, para-paraan pumarada

December 23, 2018
Anne Curtis and Coco Martin

AGAW-EKSENA sina Anne Curtis at Coco Martin, mga bida ng MMFF 2018 entries na Aurora at Jack em Popoy: The Puliscredibles, respectively, nang gumamit ng ibang sasakyan para lamang maituloy ang pagparada sa Parañaque kahapon.

Kung si Coco, eh, sakay ng tangke kumaway sa mga taong nanood ng MMFF Parade of Stars, si Anne, talagang nagpaka-trouper at ginamit ang sarili niyang van sa pag-iikot hanggang marating ang end point sa Macapagal Ave.

’Katuwa ang Instagram posts, lalo na ng kampo ni Anne, dahil talagang in-associate nila sa float na korteng barko ang pagkakabalahaw nito sa putikang dala ng maghapong ulan sa Metro Manila.

Caption ng Viva Films sa kanilang IG post, itinuloy ni Anne ang paglalayag kasama ang team Aurora at hindi talaga nagpapigil o sumama ang aktres sa paglubog ng nasabing barko.

Lahat naman ng mga artistang nakilahok sa taunang parada, nagpasalamat sa publiko sa pagiging matiyaga ng mga ito kahit na nga Linggo at nataon pang inulan ang okasyon.

Samantala, sa isang TV interview, nagpaliwanag si MMDA at MMFF Chairman Danny Lim sa pangyayaring nabalahaw ang mga float sa makapal na putik.

Aniya, pinili nilang ilagay sa madamong bahagi ng assembly area ang walong floats dahil nag-alala sila sa idudulot nitong traffic kapag pinosisyon ang mga ito sa mismong kalsada.

Hindi naman daw nila na-anticipate na uulanin ang parada at wala silang control dito.

Pero, in-assure niya ang lahat na meron silang sapat na equipment para iahon ang pitong floats na na-stuck sa makapal na putik.