Anne, na-touch sa pagpu-promote ni Coco

December 27, 2018
Anne Curtis

Binati at prinomote ni Coco Martin ang dalawa sa mga kalaban niyang pelikula -- ang Aurora ni Anne Curtis at ang Fantastica ng best friend niyang si Vice Ganda -- sa ongoing Metro Manila Film Festival (MMFF).

Matatandaang nakasama ni Coco si Anne sa FPJ’s Ang Probinsyano kaya hindi kataka-takang batiin niya ito.

Caption ni Coco sa post niyang poster ng Aurora, “Sana mapanood po ninyo ang pelikula na ito napakaganda po ng pagkakagawa!!! Congrats Mam sa sunud-sunod na magagandang pelikula mo!!”

Labis naman ang pasasalamat ni Anne sa dating co-star at tila napaiyak pa sa pagka-touch.

“Salamat Mister Officer! Huhu. Na touch ako. Thank you!!!! Sana makagawa din tayo one day!! Congratulations din sa buong team n’yo at ang lakas din ng movie n’yo!!!!” ang reply ni Anne.

Marami ang pumuri kay Coco sa gesture niyang ito pero mayroon din namang kumuwestiyon kung bakit ang seryeng Asintado ng rumored girlfriend na si Julia Montes ay hindi man lang niya na-promote.

Ang Fantastica poster naman na ipinost ni Coco ay nilagyan niya ng caption na, “Congrats sa lahat ng bumubuo ng Fantastica napasaya natin ang buong Pilipinas sa araw ng Pasko!!!”

Wala pang ibinibigay na official ranking ang Metro Manila Film Festival executive committee sa walong entries na naglalaban.

Pero base sa mga bulungan sa loob ng showbiz, number one umano ang Fantastica, number two  naman ang Jack Em Popoy: The Puliscredibles nina Coco, Vic Sotto at Maine Mendoza at pumapangatlo ang Aurora ni Anne.