Ate Guy nakabawi na, makakasama pa si Ate Vi?

March 23, 2019
Nora Aunor

MUKHANG nakabuwelo na ang Superstar na si Nora Aunor dahil sa teleseryeng Onanay.

Ito na marahil ang pinakamatagumpay niyang proyekto sa telebisyon sa ngayon. Dahil mula umpisa hanggang sa finale episode nito, pumalo sa mataas na rating ang nasabing teleserye. Maging sa social media, trending din ito. Kaya malaking oportunidad ito kay Ate Guy para maipakita niya na siya pa rin ang nag-iisang Superstar. Dahil sa kasikatan nito, nakita rin ng mga millennial kung gaano siya kahusay.

Sana masundan pa ito ng magandang project para magtuluy-tuloy ang kislap ng bituin ni Ate Guy. Pero mukhang wala pa kaming naririnig na may niluluto nang follow-up project ang Kapuso network para sa kanya. Sa totoo lang, mahirap pantayan ang tagumpay ng Onanay. Kaya tiyak na masusing pinag-aaralan ng network ang susunod na project para sa aktres.

Samantala, matagal nang nababalita ang umano'y movie project na pagsasamahan nila ni Vilma Santos. Marami ang nag-aabang sa muli nilang pagsasama sa isang project. Isa sa  pinagsamahan nilang pelikula ay ang "T-Bird at Ako" noong 1982. Kaya tiyak na magiging historical 'pag natuloy ito. They may no longer be box office queens but they still remain the superstars of Philippine showbiz.

Noon, nagka-problema sila sa billing sa pelikulang "Ikaw Ay Akin" ni Ishmael Bernal. At para masolusyunan ito, ginawang revolving circle ni Bernal ang pangalan nila sa billing nito. Ngayon, magiging problema pa rin kaya sa billing ang Superstar at Star for All Seasons sakaling matuloy ang kanilang pelikula? Just asking...

Disclaimer:

Sa diwa ng malayang pamamahayag, malaya rin ang sino man o concerned parties na tinutukoy o nasusulat sa kolum na ito para sa anumang paglilinaw o karagdagang komento at reaksyon. Mangyaring makipag-ugnayan lamang sa Just Asking thru 0905-558-4811 or email us at justasking_pj@yahoo.com