Awards, ’di nakaapekto sa box-office; producers, nagrereklamo

December 29, 2018
Tirso Cruz III, Gloria Romero, Aiko Melendez, Eddie Garcia, , Sunshine Dizon and Tony Mabesa
Tirso Cruz III, Gloria Romero, Aiko Melendez, Eddie Garcia, , Sunshine Dizon and Tony Mabesa

OUT of 20 awards na ipinamigay last Thursday awards night ng 44th Metro Manila Film Festival 2018, labing-isa rito ay napunta sa gay-themed movie na “Rainbow’s Sunset” ng Heaven’s Best Entertainment na pinamumunuan ng dating “That’s Entertainment” talent na si Harlene Bautista, ang nakababatang kapatid ng outgoing Quezon City Mayor na si Herbert Bautista.  Ang nasabing pelikula ay pinangunahan ng tatlong veteran actors na sina Eddie Garcia, Gloria Romero at Tony Mabesa mula sa direksiyon ng premyadong director na si Joel Lamangan.

Ang awards na nakuha ng naturang pelikula ay Best Picture, Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural award, Best Actress (Gloria Romero), Best Supporting Actress  (Aiko Melendez), Best Supporting Actor (Tony Mabesa), Special Jury award (Eddie Garcia), Jury Prize (Max Collins), Best Director (Joel Lamangan), Best Production Designer, Best Original Theme Song – Sa `Yo Na (Ice Seguerra), Best Screenplay (Eric Ramos).  Ito bale ang kauna-unahang pagkakataon na ang isang gay-themed dramatic movie na pinagbidahan ng tatlong veteran actors ay nakapag-uwi ng maraming major awards.

Yam Laranas’ megged horror-thriller movie “Aurora” na pinagbidahan ni Anne Curtis ay nakapag-uwi ng anim na awards: 2nd Best Picture, Best Child Performer (Phoebe Villamor), Best Cinematography, Best Visual Effects, Best Sound at Female Star of the Night para kay Anne.

Dalawa naman ang napanalunan ng “Jack Em Popoy: The PulisCredibles” nina Vic Sotto, Coco Martin at Maine Mendoza na dinirek ni Mike Tuviera for CCM Productions, M-Zet Productions at APT Entertainment, ang Best Float at Best Editing.  Nakuha naman ng “One Great Love” ng Regal Films ang 3rd Best Picture at Best Actor for Dennis Trillo.

Samantala, nanalo namang Student Best Short Film ang “Kasilyas (Bulacan State University).

Sa kabila nito, naniniwala kami na hindi na matitinag sa Top 3 positions ang “Fantastica,” “Jack Em Popoy: The PulisCredibles” at “Aurora.”

Sa Enero 7, 2019 pa magtatapos ang MMFF.  Pero tiyak na magi-extend sa mga sinehan ang malalakas na pelikula.

Samantala, hindi maiwasan ang sentimyento ng ilang producers na kalahok sa ongoing Metro Manila Film Festival dahil ilan na sa kanila ang nabawasan (o nawalan) ng assigned theaters at inilipat sa malalakas na pelikula.

Paano pa nga naman sila makakabawi kung kulang na ang mga sinehan na naka-assign sa kanila?  Pero ganito na ang kalakaran sa mga film festival dahil ang mga theater owner ay mga negosyante na may operational cost na kailangan ding i-consider.  Bakit nga naman nila isa-sakripisyo ang kita ng kanilang mga sinehan kung may choice naman silang kumita ng mas malaki?   Nariyan pa ang sales target taun-taon ng MMFF na kailangang maabot dahil na rin sa iba’t ibang beneficiaries ng organisasyon.  Isa rin ito sa mga rason kung bakit kailangang magpasok ng commercial movies sa filmfest para maka-attract  ng tao sa takilya.