Barbie tatapatan si Coco

January 22, 2020

BUKAS (Biyernes), January 24 ay magtatapos na sa ere ang primetime action-drama series ng GMA, ang  “Beautiful Justice” na tinatampukan nina Yasmien Kurdi, Gabbi  Garcia, Bea Binene at iba pa mula sa pamamahala ni Mark Reyes.  Ang nasabing programa ay papalitan ng TV adaptation ng 1984 hit movie ng Regal Films, ang “Anak ni Waray vs. Anak ni Biday” na pinagbidahan noon nina Nida Blanca, Gloria Romero, Nestor de Villa, Luis Gonzales kasama sina Maricel Soriano, Snooky Serna, Gabby Concepcion at William Martinez.  Ang movie version ay pinamahalaan ni Maryo J. de Los Reyes.

Tanging si Snooky Serna lamang mula sa original movie cast ang kasama sa TV remake ng “Anak ni Waray vs. Anak ni Biday” na pinangungunahan  ng Kapuso drama princess na si Barbie Forteza at Kate Valdez at kung saan din mga tampok na bituin sina Dina Bonnevie, Migo Adecer, Jay Manalo, Teresa Loyzaga, Faith da Silva, Tanya Montenegro, Benedict Cua at Celia Rodriguez.  May special participation naman sina Lovi Poe, Max Collins, Jason Abalos, Pinky Amador, Mike `Pekto’ Nacua, Yanna Asistio at Franco Gray Nerona.  Ito’y mula sa direksiyon ni Mark Sicat de la Cruz.

Sina Snooky at Dina ay parehong original stars ng Regal Films.

Barbie will be portraying the role of Ginalyn, ang anak ng Waray na si Amy (Snooky)at si Kate as Caitlyn, ang Ilokanang anak ni Sussie (Dina) not them knowing na sila’y magkapatid sa ama na si Joaquin (Jay Manalo).

Bago nagsimula  ang taping ng bagong serye ay nag-aral pareho sina Barbie at Kate ng Waray at Ilocano at nagkaroon din sila ng workshop na pareho umano nila in-enjoy dahil sa new discoveries na kanilang nalaman sa magkaibgang lugar. Napuntahan nila pareho ang magkakaibang tourist destinations ng Leyte at Ilocos at kasama na rito ang San Juanico Bridge na nagdudugtong sa dalawang island ng Samar at Leyte maging ang popular  Paoay Sand Dunes sa Ilocos Norte.  First time ding nagkasama sa isang serye sina Barbie at Kate.

Bukod sa title at main  characters mula sa  original cast ng pelikula, iniba na ang kuwento at twist ng TV version na magsisimulang mapanood sa ere sa darating na Lunes, January 27 pagtapos ng “24 Oras” at direktang makakatapat ng long-running action-drama TV series ni Coco Martin, ang “FPJ’s Ang Probinsyano” sa Kapamilya Network.