Baron engaged na sa isang psychologist

May 07, 2019
Baron Geisler

MARAMI-RAMI na ring inactive showbiz personalities o di kaya mga walang trabahong actor ang natulungan ng actor-director-producer at lead star at isa sa mga director ng long-running action-drama TV series na “FPJ’s Ang Probinsyano” na si Coco Martin. Ang pinakabago ay ang nagbabalik na si Baron Geisler.

Sobrang nagpapasalamat si Baron sa malaking break at tiwala na inibigay sa kanya ni Coco.  Ang tangi lamang umanong pakiusap ni Coco kay Baron ay maging professional ito sa kanyang trabaho, ang makisama sa kanyang mga katrabaho at tulungan ang kanyang sarili na magbago.  Kilala kasi si Baron sa pagiging alcoholic na siyang nagpahamak at naglagay sa kanya sa gulo dati.

Isang mahusay na actor si Baron at kung magtutuluy-tuloy ang kanyang pagbabago ay hindi imposible na maging sunud-sunod ang kanyang mga proyekto laluna sa bakuran ng ABS-CBN kung saan talaga siya nagsimula.

Samantala, engaged na rin si Baron sa isang psychologist na si Jamie Marie Evangelista na naging kasintahan niya in September 2018.  Three months na umano ang kanilang engagement.

Nagpapasalamat din si Baron sa kanyang fiancée dahil minahal siya nito at his lowest point na walang-wala umano siya.

Walang sariling sasakyan  ngayon si Baron dahil ibinenta niya umano ang kanyang expensive car para makapagpatayo ng isang barber shop in Cebu. Dahil wala siyang sasakyan ngayon ay sundu’t hatid umano siya para mag-report sa taping ng “Ang Probinsyano,” bagay na kanyang pinasasalamatan.  Kapag nakaipon na umano siya at nagtuluy-tuloy ang kanyang trabaho ay saka lamang umano siya bibiling muli ng sarili niyang sasakyan.