Batikos sa pag-amin ng LizQuen, sinagot ng manager ng aktres

February 12, 2019

Sinagot ni Ogie Diaz, manager ni Liza Soberano, ang negative comments sa pag-amin ng young actress at ni Enrique Gil sa kanilang relasyon sa Gandang Gabi Vice last Sunday.

Sa nasabing episode, umamin ang LizQuen na more than two years na ang kanilang relasyon at October ang kanilang anniversary month.

Bagama’t ang daming kinilig, meron din namang bashers, na hindi naman yata talaga mawawala.

Sa kanyang mahabang Facebook post ay sinagot ni Ogie ang ilan sa mga negative comment, tulad ng “Bakit umamin? Ah, kasi may movie na ipinu-promote?,” “makakatulong ba ’yung pag-amin nilang more than two years na sila para maging mapayapa ang Mindanao?,” “so kung sila na? Bababa na ba ang presyo ng gasolina at bilihin? Tataas na ba ang minimum wage? Matatapos na ba ang tigdas outbreak?”

Ani Ogie, “’Yan ’yung mga nababasa kong comments ng ilang netizens matapos umamin for the first time sa Gandang Gabi, Vice sina Enrique Gil at Liza Soberano na matagal na silang may relasyon.”

Patuloy niya, “Okay. Una, sa social media naman ay you really cannot please everybody. Pero kailangang intindihin na iba-iba naman ang take at stand ng tao sa mga political issue o kahit sa showbiz issue. That's understandable. Kaya unawang-unawa ko naman ’yan.

“Ang GGV ay iba ang konsepto, eh. Dito talagang hindi papayag si Vice Ganda na hindi lumabas ang totoo. Otherwise, kailangang me mapiga siyang ‘sustansiya’ sa mga nagge-guest sa kanyang show kung ayaw pang umamin.”

Nilinaw din niya ang akusasyon na kaya raw umamin ang dalawa ay dahil may pinu-promote na pelikula.

“So kung walang ipinu-promote at umamin, ang kasunod nang mga hanash diyan ay, ‘Hindi kasi pinag-uusapan, kaya umamin?’ or ‘Bakit umamin, eh, wala namang ipinu-promote na movie?”

“So hindi mo talaga alam kung saan ka lulugar. Punta ka sa kanan o kaliwa, tiyak mahuhulog ka pa rin. Dumedma ka, me sasabihin pa rin sila.

“So ngayong umamin ang LizQuen, me sinasabi pa rin ’yung iba, hahaha! Anyway, okay lang ’yan. Pasensiya na po sa naapektuhan ng kanilang pag-amin,” sagot ni Ogie.

Depensa pa ng manager, “Ano bang gusto nilang itanong ni Vice Ganda? Kay Liza, kung kumusta na ang friendship nila ni Daniel Padilla o kaya si Enrique kay Kathryn Bernardo, ganu’n ba?

“Again, kung naapektuhan ’yung iba at nagkaroon pa ng pribilehiyo na mam-bash, eh, tanggapin na lang ang katotohanang hindi talaga pare-pareho ang mga tao.

“Basta ang mahalaga, happy ang karamihan, lalo na ang LizQuen fans. At in fairness, kinilig pa sila sa pag-amin na ’yon. At least, maraming napangiti ang loveteam, so sana good vibes na lang.”

Ang huling hirit pa ni Ogie, nakakatawa ’yung isang comment na nabasa niya.

“Meron pa nga akong nabasang isang comment na natawa ako, eh. Ang sabi, ‘Mas okay na ’yung umamin ang LizQuen kesa du’n sa mga na-viral news na, ‘Jak Roberto at Barbie Forteza, hindi mag-i-exchange gift ngayong Pasko’ at ’yung ‘Andrea Torres, naiyak dahil hindi na-perfect ang luto ng kare-kare,’” pagtatapos ng post ng manager ni Liza.