Beauty queen, sumakabilang-buhay

June 26, 2019

HINDI pa man nakakabawi ang sambayanang Pilipino sa magkasunod na pagyao ng dalawang haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino at telebisyon  na si Eddie Garcia at ang music icon at jazz artist na si Jacqui Magno na sumakabilang-buhay nung June 20 and 21, 2019 respectively, sa araw din mismo ng kamatayan ni Jacqui nung June 21 ay tuluyan na ring namaalam ang model-beauty queen na si April Love Antolo Jordan sa edad na 31 dahil sa liver cancer.

Ang kanyang pamilya, mga kaanak, mga kaibigan at mga naging kasamahan sa beauty pageant industry ay labis na nabigla at nalungkot dahil sa maaga niyang paglisan.

Si April ay panganay na anak ng mag-asawang negosyante na sina Eugene Jordan at Imelda Antolo.  Siya’y isinilang sa Sta. Cruz, Manila pero lumaki sa Quezon Province at nagtapos ng high school sa Quezon National High School sa ilalim ng scholarship grant mula sa Dept. of Science and Technology.

Nagtapos ng college si April sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ng Bachelor of Science Degree in Tourism, Hotel and Travel Industry Management na naging daan niya sa pagiging flight stewardess.  

Palibhasa’y maganda, matalino at matangkad, naging fashion model ito at sumali sa iba’t ibang beauty competition in both local, national at maging sa international contest.

Taong 2006 nang siya’y  sumali sa dalawang national beauty competitions, ang “Miss Earth” at “Mutya ng Pilipinas” kung saan siya naging 2nd runner-up.  Sumali rin siya sa Bb. Pilipinas in 2009 at nung 2012 ay muli siyang sumali sa Miss World Philippines. Taong 2009 naman nang siya’y maging grand winner sa International Beauty and Model Festival na ginanap sa China at nung taong 2013 ay ginawa siyang brand ambassador ng Solor  Resort & Casino.  Naging Miss Manila rin siya at nanalong Sanita Ti Ilocos Sur bilang bahgi ng mga local pageants na kanyang sinalihan.

Sumali rin noon si April sa Miss Tourism Queen of the Year International na ginanap sa Malaysia at kung saan siya nakakuha ng special award bilang Miss Secret Charm.  Naging 3rd Princess naman siya ng Miss World Philippines in 2012.

Ang mga labi ni April ay kasalukuyang nakaburol sa Heritage Memorial Chapel in Taguig City since June 24 at nakatakdang ihatid sa kanyang huling himlayan on Tuesday, July 2.