Billy at Coleen, 2 to 3 years pa mag-aanak

February 20, 2019
Coleen Garcia

Aminado si Coleen Garcia na malaking factor si Billy Crawford sa kanyang desisyon na lumipat ng management from Star Magic to Viva Artists Agency (VAA) na nangangalaga na rin ng career ng kanyang mister.

Pinag-usapan daw talaga nila ito pero hindi raw ito ang deciding factor.

“He (Billy) did give me advice at nakatulong din na nandito na nga siya, so marami rin siyang nakukuwento sa akin na ano, his experiences working with Viva and he only has really good things to say and nakatulong din sa pag-decide ko na lumipat sa Viva,” pahayag ni Coleen nang makatsikahan namin sa kanyang contract signing kamakailan.

Sampung pelikula for five years ang pinirmahan ni Coleen at excited na ang aktres na magtrabahong muli dahil matapos silang ikasal ni Billy last year ay nagpahinga muna siya sa showbiz.

Dahil nga pumirma siya ng sampung pelikula sa Viva, natanong namin kung wala pa ba silang plano na magkaroon ng baby.

Aniya, “Medyo matagal-tagal pa naman po, siguro, two-three years pa. It really depends on where we are in our career and personally also, kasi we have to be ready. Ayaw naming gawin nang basta-basta, kailangan, ready kami talaga,” she said.

Pero kung mabubuntis daw siya nang wala sa plano, ibinigay daw ’yun ng Panginoon at siyempre, tatanggapin nila nang buong-buo.

Ngayong married na siya, open pa ba siya sa kissing scenes and love scenes?

“Kasi siyempre, may stories na hindi talaga matatanggal ’yun, like for example, if it’s a love story, or if mag-asawa kayo, siyempre, part of the story ’yun.

“So, depende rin talaga like how far kailangang pumunta sa isang story, and you know, if the story is actually worth it for me to accept a role like that.

“Pero depende, kasi minsan, kung mag-iinarte ako sa ganyan, ikakasira rin ng story, ’di ba? Parang hindi magiging believable. So, you know, it really depends on the project,” ani Coleen.

But of course, kailangan pa rin daw nila itong pag-usapan ni Billy.

“Actually, everything naman, hindi lang sa kissing scenes, even when it comes to accepting a project, not because I’m asking for permission but because I’m asking for his opinion.”

Bawal na ba magpa-sexy?

Natawa si Coleen. “Hindi naman, it’s just more on a personal decision na I want to do something different also. Kasi hindi naman pwedeng forever, pero at the same time, depende rin kasi sa project. I mean, kung may dumating na project that would require me to act or be a certain way, I will do it for the project.”

Pag-uusapan pa raw nila ni Boss Vic del Rosario (Viva big boss) ang mga gagawin niyang pelikula.

Sa ngayon, may ginagawa raw siyang romantic-comedy indie film with Edgar Allan Guzman.

Tatapusin daw muna niya ang indie film hanggang March. Pagkatapos nu’n, idi-discuss na nila ang mga gagawin niyang movies sa Viva.