Bong mahal pa rin ng tao

February 06, 2019
Bong Revilla and Andrea Bautista
Bong Revilla and Andrea Bautista

SENATORIABLE Bong Revilla, Jr. hosted a  lunch get-together  with the entertainment media to celebrate the Chinese New Year last  Tuesday (February 5) sa Annabel’s Restaurant in Tomas Morato, Quezon City, his way of thanking his press friends who stood by him through thick and thin.

Sa loob ng apat na taon at anim na buwang pagkaka-detain sa loob ng Camp Crame Detention Center, doon lubos na nakilala ng mister ni Lani Mercado kung sinu-sino ang kanyang tunay na mga kaibigan.  Kaya sa kanyang paglaya ay una niyang pinasalamatan ang Diyos, pangalawa ang kanyang pamilya at pangatlo ang kanyang mga kaibigan at supporters na hindi tumalikod sa kanya.

Hindi ikinakaila ng dating senador na sumagi rin sa kanyang isipan na baka hindi na siya mahal ng sambayanang Pilipino matapos siyang maakusahan ng pandarambong, pero kabaliktaran sa kanyang inaasahan ang mainit na pagtanggap sa kanya saan mang lugar sa Pilipinas siya magtungo, isang indikasyon na mahal pa rin siya ng mga tao at ng kanyang supporters.

Aminado rin si Bong na may phobia pa rin siya kapag nakakakita siya ng mga pulis pero unti-unti na rin umanong nawawala ito sa kanyang sistema.

“I know they were just doing their jobs,” pagbabalik-tanaw ni Bong nang siya’y arestuhin ng mga pulis almost five years ago.

Inspirasyon ni Bong ang amang si Ramon Revilla, Sr. na nagsabi sa kanya na huwag siyang magkimkim ng galit sa kanyang dibdib at sa halip ay patawarin ang mga taong nagkasala at nakagawa sa kanya ng mali.

Kapag siya’y nabalik sa Senado, marami umano siyang ipapanukalang-batas na kanyang nabuo nung siya’y nasa loob pa ng detention cell.

Bukod sa pulitika, magiging active muli si Bong sa kanyang showbiz career at plano niyang lumahok sa darating na Metro Manila Film Festival  sa pamamagitan ng “Alyas Pogi 4”.  Meron ding nag-suggest kay Bong na sana’y magsama sila sa isang movie project ni Coco Martin.

Pangarap din ni Bong na maibalik ang dating sigla hindi lamang ng movie industry kundi maging ang mga action movies na unti-unting lumamlam since 1997.

“Maraming tao ang natutulungan ng movie industry.  Bukod sa mga movie producer and theater owners,  nariyan ang mga artista, directors, writers and production people, technical crew at iba pang workers,” pahayag ni Bong.

Given the chance, gusto rin niyang magpanukala na ibaba ang presyo ng tickets ng mga local films sa mga sinehan para mas marami ang makapanood at tumangkilik ng mga locally-produced films.

“Mas maraming local films ang hindi kumikita sa takilya at mas tinatangkilik ng publiko ang foreign films,” malungkot na pahayag ni Bong.

“We need to help the (local movie) industry,” dugtong pa niya.

Samantala, hindi ikinakaila ni Bong na napaka-meaningful sa kanya ang nakaraang celebration ng Christmas at New Year dahil nakapiling niya ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay matapos ang kanyang pagkaka-detain sa loob ng halos limang taon.

“The first thing I did ay dumaan sa simbahan (ng Bacoor) para magpasalamat at saka ko pinuntahan ang dad ko (Ramon Revilla, Sr.).  Kinabukasan ay dinalaw ko naman ang puntod ng aking ina (Asuzena Mortel-Bautista),” kuwento pa ni Bong.

Kahit mahigit isang buwan na siyang nakalaya ay madalas pa ring mag-flashback sa kanyang isipan ang traumatic experience.

“It made me realize a lot of things and made  a stronger and better person,” pag-amin pa ni Bong.