Bong may phobia pa rin sa mga pulis

January 18, 2019
Bong Revilla
Bong Revilla

APAT na taon at anim na buwang nakulong ang dating senador na si Ramon 'Bong' Revilla, Jr. sa Camp Crame Detention Center sa kasong pandarambong pero siya’y napawalang-sala nung December 7, 2018.

Abot-abot ang pasasalamat ni Bong hindi lamang sa kanyang mga kababayan sa Cavite kundi sa buong Sambayanang Pilipino na nagdasal at patuloy na sumusuporta sa kanya.  Dahil dito, gusto ni Bong na ipagpatuloy ang kanyang nasimulan na sa senado kung saan siya nakagawa ng mahigit 200 batas at kasama na rito ang pagpapababa ng amusement tax sa mga pelikulang Pilipino down to 10% na lamang.

Isa sa mga natutunan ni Bong habang siya’y nakakulong ay maging mapagpatawad sa mga nakagawa sa kanya ng kasalanan.  Isa rin sa mga gustong gawin ni Bong sa taong ito ay muling makagawa ng pelikula at makalahok sa taunang Metro Manila Film Festival.

Samantala, in his four years and almost six months sa loob ng detention cell ng Camp Crame, nalaman din ni Bong kung sino ang tunay niyang mga kaibigan.  Hindi rin nito ikinakaila na hanggang ngayon ay may phobia pa rin umano siya kapag siya’y nakakakita ng uniformed policemen pero umaasa siya na magi-get over din niya ito in time.