Boss Vic tinupad ang pangako kay Marco

August 27, 2019
Marco Gumabao
Marco Gumabao

MASAYA ang Viva big boss na si Boss Vic del Rosario na patuloy na pumapalo sa takilya ang pelikulang “Just A Stranger” na pinagtatambalan nina Anne Curtis at Marco Gumabao mula sa panulat at direksiyon ni Jason Paul Laxamana sa kabila na hindi ito nakapasok sa ikatlong Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) ngayong September 13 to 19, 2019.

Kung nabigyan lamang ng same promo exposure ang “Just A Stranger” katulad ng mga Star Cinema and Black Sheep Productions-produced movies, tiyak na mas papalo pa ito nang husto sa box office.

Ang pelikulang “Just A Stranger” ay nagbukas sa mga sinehan last August 21 at sa unang limang araw nito ay kumita na ang pelikula ng mahigit P52-M.

Na-elevate na rin sa pagiging full-fledged leading man si Marco na nasa pangangalaga ngayon ng Viva Artists Management after Star Magic for several years.

Kung tutuusin, ang “Just A Stranger” ay second team-up na nina Anne at Marco dahil nagkasama na sila sa 2018 Metro Manila Film Festival movie na “Aurora” na kumita rin sa takilya.

Bago pa man ipinareha si Marco kay Anne, nabanggit na sa amin ni Boss Vic (del Rosario) na gagawin umano niyang major leading man ang young actor at unti-unti na rin  itong nangyayari ngayon.

Si Marco ay anak ng actor at dating kongresistang si Dennis Roldan at pamangkin ng veteran actress na si Isabel Rivas at pinsan ng entertainment reporter ng “TV Patrol” na si Gretchen Fullido.