Boykot ng taga-showbiz, sinagot ni Binoe

January 28, 2019
Robin Padilla, Beauty Gonzales &  Ronald dela Rosa

Sa mahabang Instagram post, nag-react si Robin Padilla tungkol sa balitang ibu-boycott ang pelikula niyang Bato: The General Ronald dela Rosa Story ng mga kasamahan sa industriya.

Idiniin niya na wala raw dapat kinalaman ang pulitika sa paggawa ng pelikula.

“May mga rebolusyonaryong nasa kabilang ibayo ang nais i-boycott ang pelikula ko dahil sa pulitika...

“Hindi ko alam kung sa’n nila natutunan na ang pagpigil sa paghahanap-buhay ng manggagawa ay pagiging isang makabayan.

“Napakalayo po ng pagitan ng industriya ng pelikula at entablado sa mundo ng pulitika kahit na maraming artista ang nahuhumaling sa pulitika at napakarami din politiko ang nahuhumaling sa mga artista at pag-aartista..” umpisa ng post ni Binoe.

Ipinaliwanag din ng action star na hindi dapat nadadamay ang mga production people at iba pang maliliit na manggagawa na nagtatrabaho lang.

“Ang mga nasa likod po ng pelikula ay mga taong hindi palara! Sila’y hindi sumasamba sa piso at sila ay sobrang mga simpleng tao. Karamihan po d’yan ay self-employed, hindi mga regular, sa madaling salita, isang kahig, isang tuka rin.

“Napakahirap po ng buhay-pelikula wala pong pinakamahirap na trabaho at pinaka-delikado kundi ang paggawa ng pelikula. Lahat po ng pagpapaganda gagawin para sa panlasa ng mga manonood. We always give our very best lalo sa paggawa ng pelikulang action,” patuloy ni Robin.

He also pointed out na hindi naman mabibigyan ng pulitika ng trabaho ang maliliit na tao sa pelikula kaya hindi sila dapat maging biktima.

“Pakiusap namin sa mga rebolusyonaryo sa kabilang ibayo na mag-isip din kayo bago kayo umaksyon at magsalita dahil kilala niyo rin kung sino ang mga maliliit sa mundo natin.

“Kailangan nila ng trabaho mga kapatid sa pelikula hindi sila dapat maging biktima ng pulitika natin dahil sa totoo lang wala pa naman nagawang maganda ang pulitika natin sa kanila ano man ang partido kaya kung makapagbibigay tayo ng trabaho sa kanila bakit naman niyo pipigilan?

“Ang pinakamainam nga ay himukin niyo si Trillanes o si Alejano na gawin din ang mga buhay nila para may mga taga-pelikula na magkatrabaho at may maiuwi sa pamilya nilang suweldo.

“Ang pultika ay hindi isang bagay na kikitil sa hanapbuhay ng isang manggagawa kapag naging ganyan ang prinsipyo at adhikain ng isang rebolusyonaryo kelan man hindi natin makakamtan ang tagumpay laban sa uring may mga kapangyarihan.

“Kung gusto niyo ng laban hindi dapat tayo maghiwalay at maging daan para ang industriya ay malaglag. Fight for labor laws! Sama-sama tayo!” ang pagtatapos ni Binoe.

Sa nakaraang presscon ni Robin ng Bato bioflick ay nagbigay na siya ng kanyang damdamin tungkol sa akusasyong propaganda movie ang pelikula.

Inulit-ulit nga niya na nagtatrabaho lang siya bilang artista.

“Ako, nagtatrabaho lang ako, gusto ko lang, masaya ang mga tao, gusto ko lang makapagbigay ng magandang entertainment.

“Kaya, mahal kong mga kababayan, bigyan n’yo ako ng break, bigyan n’yo kami ng break. Bigyan n’yo ng break ang action movie. Dahil ’pag binigyan n’yo ng break ang action movie, napakarami pong magkakatrabaho. At lahat po tayo diyan ay mag-i-enjoy, at lahat po tayo diyan ay magsasama-sama at lahat po tayo diyan ay makikinabang,” pahayag ni Binoe.