Cager-actor na may crush kay Kathryn, atras kay Daniel sa one-on-one

December 14, 2018

Noon pa ay very vocal na ang basketball star player ng UP Fighting Maroons ng UAAP (University Athletic Association of the Philippines) na si Ricci Rivero sa pagkakaroon ng crush kay Kathryn Bernardo.

Hanggang ngayon, consistent siya sa pagpapahayag ng kanyang admiration sa girlfriend ni Daniel Padilla.

Aniya, sa grand mediacon ng Metro Manila Film Festival 2018 entry na Otlum, nagsisimula pa lang daw si Kathryn ay nasubaybayan na niya ang career nito.

Mara Clara days pa lang at wala pa sa buhay nito si Daniel.

Pero nang dumating na raw si DJ at nagkaroon ng KathNiel loveteam, naging idol na rin niya ang young actor at naging big fan na siya ng tandem.

“Iba talaga ’yung tingin ko kay Kathryn na parang may something special talaga sa kanya. And then, nu’ng dumating si Daniel, iba kasi ’yung dating ni Daniel,” he said.

Hindi naman daw porke’t crush niya si Kathryn ay nangangahulugang aagawin na niya ang dalaga kay Daniel.

Sey niya, more on “idol” daw niya si Kath kesa sa crush.

Kung sakaling hamunin siya ni Daniel sa isang one-on-one basketball game, papayag ba siya?

“Ah, pwede bang magkakampi na lang kami?” natatawa niyang sey. “Kasi, siyempre, ayaw mong kalaban ’yung idol mo.”

What if may offer na movie at magiging ka-love triangle siya ng KathNiel?

“Ah, pass talaga,” pahayag ng 20-year-old basketball player.

“Basta du’n lang ako sa idol ko sila, pwedeng extra ako sa movie nilang dalawa. Sila lang dalawa.”

Ayaw niya talaga?

“Ayaw ko po, kasi idol ko, eh. Iba ’yung respeto ko sa kanila.”

Hindi naman niya aagawin si Kathryn at pelikula lang naman kung sakali, ’di ba?

“I’m not saying naman po na aagawin or what, pero the fact na andoon ako sa love triangle, hindi talaga, eh,” sagot ng binata.

Samantala, sinubukan ni Ricci ang pag-arte sa horror-comedy film na Otlum mula sa direksyon ni Joven Tan.

Masuwerte nga siyang maituturing dahil first film niya, entry na agad sa MMFF.

Hindi pa raw niya alam kung magtutuluy-tuloy siya sa showbiz dahil ang priority pa rin daw niya ay basketball.

Basta hindi raw makaka-conflict sa schedule niya bilang manlalaro ay tatanggapin niya kung may offer for a movie or tv project.

Mula sa Horseshoe Studios, kasama rin sa Otlum (binaligtad na ‘multo’ ang ibig sabihin) sina Michelle Vito, Vitto Marquez, Danzel Fernandez at Jerome Ponce.