Centerstage magsisimula na rin

February 14, 2020

HINDI lamang ang Wowowin ang bagong weekend primetime program ng GMA 7 dahil mapapanood naman simula bukas, February 16, ang Centerstage, ang unique musical competition para sa mga bata na may edad pito hanggang labindalawa.

Si Alden Richards ang host ng Centerstage, co-host niya si Betong Sumaya at judges sina Pops Fernandez, Aicelle Santos at ang musical director na si Mel Villena.

Ipinagmamalaki ng GMA 7 na original ang concept ng Centerstage na tiyak na magugustuhan ng televiewers, lalo na ng mga bata dahil parang naglalaro lamang ang mga young contestant na mag-uunahan na makarating sa sentro ng entablado sa pamamagitan ng boto ng studio audience habang kumakanta sila.

Dahil mga bata ang mga magtutunggali sa pag-awit, maingat sa pagbibitaw ng mga salita sina Pops, Aicelle at Mel. May resident psychologist din ang Centerstage para sa mga bata at sa kanilang mga magulang kung sakaling hindi nila matanggap ang resulta ng contest.