Christian, na-intimidate sa mga kalaban sa Hanoi filmfest

November 12, 2018
Christian Bables & Cora Waddell

Laking panghihinayang ni Christian Bables na hindi niya personal na natanggap ang kanyang first ever international Best Actor para sa performance niya sa PH Oscar entry na Signal Rock na dinirehe ni Chito Roño sa katatapos lang na 4th Hanoi International Film Festival (HIFF) sa Vietnam.

Nagmamadaling bumalik ng bansa si Christian dahil sa trabaho pagkatapos niyang rumampa sa opening night ng naturang film festival.

Nang makabalik ng ’Pinas, nakatanggap naman siya ng email mula sa HIFF organizer at pinababalik siya ng Vietnam. Nakasaad diumano sa email kay Christian na kailangan niyang dumalo sa awards ceremony dahil malakas ang kanyang laban sa Best Actor.

Ang problema, hindi raw siya pinayagang umalis sa taping ng Halik ng ABS-CBN. Mabuti na lang daw, kuwento pa ni Christian, nasa Vietnam din ang indie actress at kaibigan ng aktor na si Angeli Bayani kaya napakiusapan daw niya itong tumanggap ng award sakaling palarin siyang manalo.

Pero giit ng leading man ni Cora Waddell sa Recipe for Love, hindi niya inaasahang maiuuwi niya ang karangalan.

“Ang daming mga bansang kasali. Nakaka-intimidate lahat. Ang gaganda ng cinematography ng movie nila. Ang gagaling ng mga aktor tapos kung makikita mo ‘yung mga international actor, sobrang sanay na sila sa ganu’n,” rason ni Christian.

Dugtong pa ng alaga ni Boy Abunda, “Ako, baguhan pa lang, so, sobrang akong nanibago. Tiklop talaga ako sa isang tabi. In-enjoy ko na pang ’yung pagkain sa festival, ’yung travel, hotel. Hindi ko in-expect.”

Sa November 21 nakaiskedyul ipalabas sa mga sinehan ang Recipe for Love sa direksyon ni Jose Javier Reyes. Excited si Christian sa movie dahil aniya, ibang-iba raw ito sa mga nagawa na niyang pelikula in the past.

Maliban sa kanilang dalawa ni Cora, kasama rin sa movie sina Enrico Cuenca, Martyle Sarrosa, Sophie Albert at marami pang iba.