Christopher, Sandy ipinagtapat ang mga pinagdaanan

October 09, 2019
Christopher De Leon and Sandy Andolong
Christopher De Leon and Sandy Andolong

ALMOST 40 years na ang pagsasama bilang mag-asawa ng Drama King na si Christopher de Leon at ang kanyang actress-wife na si Sandy Andolong. Pero inamin ng celebrity couple na dumanas din umano sila ng iba’t ibang trials.

Dalawa pa lamang noon ang kanilang mga anak na sina Rafael at Miguel nang magkahiwalay sila dahil sa bisyo noon ni Boyet (Christopher) at kasama na rito ang drugs.  Nagtago noon si Sandy at mga anak sa isang convent.

“I was almost at the end of my rope,” pag-amin ni Boyet nang ito’y aming makakuwentuhan sa kanilang tahanan in BF Homes, Parañaque.

“Halos lahat na yata ng bisyo ay sinubukan ko kaya hindi na makatiis si Sandy kaya ito naglayas kasama ang mga bata,” kumpisal ni Boyet.

Sa paglalayas ni Sandy kasama ang mga bata ay doon lamang umano niya na-realize kung gaano kahalaga ang kanyang pamilya.  Hinanap umano niya ang kanyang mag-iina at nangakong magbabago na siya.  It was a 360 degrees turn-around sa part niya.  Never umano siyang nagpa-rehab kundi personal healing ang kanyang ginawa at nakatulong nang malaki sa kanyang pagbabago ang pagyakap niya sa Diyos at sa kanyang taimtim na pananampalataya.

Nagkabalikan sina Boyet at Sandy at nadagdagan ang kanilang mga anak ng tatlo pa – sina Gabriel, Mariel at Mika.  Ang apat sa mga ito ay nakapagtapos na ng kanilang pag-aaral habang ang bunsong si Mika ay malapit nang magtapos ng college.  Ang tatlong boys na sina Rafael, Miguel at Gabriel ay pare-pareho nang may asawa at meron na silang dalawang apo.

Si Rafael and his family ay nasa New Zealand, nasa San Francisco, California USA naman si Miguel with his family habang nasa New York City, USA si Gabriel with his wife.  Ang  beauty queen-singer-actress daughter nilang si Mariel ay umalis last Sunday, October 6 patungong New York City, USA para ipagpatuloy ang kanyang modeling career doon matapos siyang lumagda ng contract with True Model Management, isang New York-based modeling agency.  Naiwan sa mag-asawang Boyet and Sandy ang kanilang bunsong anak na si Mica.

Kapag nagdesisyon si Mica na mangibang bansa ay maiiwan ang mag-asawa na silang dalawa na lamang ang magkasama sa kanilang bahay. Nasa kabilang bahay in the same compound ang ina ni Boyet, ang 91-year-old  veteran actress Lilia Dizon.        Taong 2015 nang muling masubok ang pagsasama ng mag-asawa nang magkasunod na magkasakit si Sandy at pangalawa nilang anak na si Miguel.  Sandy had to undergo kidney transplant at na-diagnose namang may sakit na kanser si Miguel.  Boyet was devastated pero hindi siya bumitaw sa kanyang marubdob na pananampalataya sa Diyos.

Kahit nagpapagaling pa lamang noon si Sandy sa kanyang operasyon sa kidney, kailangang lumipad si Boyet pa-Amerika para naman sa kanyang may kanser na anak na si Miguel.  That was the most trying moments na dumating sa kanilang pamilya pero ito’y kanilang nalagpasan nang i-deklara ng mga doctor ni Miguel sa Amerika na ito’y cancer-free na at patuloy naman sa paggaling ni Sandy sa kanyang operasyon sa kidney.

“I cried,” pag-amin ni Boyet.  “Iyak ng sobrang pasasalamat sa Diyos,” aniya.

Since then, binalikan na ni Boyet ang kanyang trabaho bilang actor at naging smooth-sailing ang magkasunod na paggaling nina Sandy at Miguel.  In 2017, kinoronahang Bb. Pilipinas-International ang kanilang pang-apat na anak na si Mariel.

Busy ngayon ang mag-asawang Boyet and Sandy sa kanilang respective acting career. Katatapos lamang ni Sandy magtaping sa teleseryeng “Dahil sa Pag-ibig” ng GMA habang si Boyet naman ay abala sa taping ng reunion TV series ng magkasintahang Kim Chiu at Xian Lim, ang “Love Thy Woman” sa Kapamilya Network.  Bukod sa kanilang acting career, ang mag-asawa ay may negosyo, ang franchise ng mala-grocery-type direct marketing na  PC Personal Collection na pinamamahalaan ng misis ni Ian de Leon na si Jenny.  Si Boyet ay may dalawa nang apo sa kanyang biological son na si Ian sa kanyang ex-wife na si Nora Aunor.  May mga apo rin si Boyet sa kanyang adopted children (with Nora) na sina Lotlot, Matet, at Kenneth at isa na rito si Janine Gutierrez, ang panganay na anak ni Lotlot sa ex-husband nitong si Ramon Christopher or Monching Gutierrez na nasa showbiz na rin.

Sa kabila na nakilala na rin ni Lotlot ang kanyang biological parents, hindi umano nagbago ang pakikitungo at pagkilala nito sa kanya (Boyet) bilang ama.  Very close din kay Sandy sina Ian at Lotlot.

Ayon sa mag-asawang Boyet at Sandy, lalong pinagtibay ng Diyos ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa dahil sa sari-saring mga pagsubok na kanilang pinagdaanan at nalagpasan.