Coco at John Lloyd 'di makaiiwas sa tsismis

May 01, 2019
Coco Martin and John Lloyd Cruz
Coco Martin and John Lloyd Cruz

IT comes with the territory.

Ito ang expression na madalas nating marinig sa mga public figure kapag nasasangkot sa mga intriga. Sa totoo lang, kakambal na ang intriga o tsismis sa buhay ng isang sikat na personalidad - mapa-pulitiko o mapa-artista man. Kaya madalas ipayo sa mga gustong pumasok sa pulitika o showbiz, dapat huwag maging balat sibuyas. At 'pag sikat ka, tiyak na mapapag-usapan ang personal mong buhay.

Kaya imposible ang gustong mangyari ni Coco Martin na hindi pag-usapan ang kanyang buhay. Lalo na ngayon na big star na siya. Oo, puwedeng kontrolin ng kanyang home network ang mga istoryang lumalabas. O pwedeng pabanguhin ang kanyang image. Pero 'di pwedeng pagbawalan ang press na halukayin ang kanyang buhay. Siguro na-inspire siya sa buhay ni Eddie Garcia na nakasama niya sa Ang Probinsiyano. Isa kasi ang beteranong aktor sa mga artistang hindi pinag-uusapan ang kanyang private life. Dahil hindi naman niya ikinukuwento ang tungkol dito. At marespeto naman ang press 'pag pribadong tao ang nasasangkot sa mga artista. Iba naman kasi ang kaso ni Coco dahil si Julia Montes ang kasangkot sa usapin. Artista at sikat ang aktres; kaya hindi pwedeng hindi pag-usapan.

Samantala, pansamantala namang iniwan ni John Lloyd Cruz ang showbiz para i-enjoy ang kanyang pribadong buhay. Pero kahit inactive na sa showbiz, bawat galaw naman niya pinag-uusapan pa rin. Marami pa rin ang nagpapa-selfie sa kanya kahit sinasabi niyang hindi na raw siya artista. Heto nga't namumuhay na ng simple itong si Loydie pero maya't-maya pa rin ang balita tungkol sa kanya. Kaya mahirap ang gustong mangyari ni Coco na 'di pag-usapan ang kanyang buhay.

Totoo ang kasabihan na 'pag nasa tuktok ka na ng tagumpay, akala mo pwede mo nang idikta ang gusto mong sabihin at mangyari. Ito ba ang gustong gawin ngayon ni Coco? Just asking...

Disclaimer:

Sa diwa ng malayang pamamahayag, malaya rin ang sino man o concerned parties na tinutukoy o nasusulat sa kolum na ito para sa anumang paglilinaw o karagdagang komento at reaksyon. Mangyaring makipag-ugnayan lamang sa Just Asking thru 0905-558-4811 or email us at justasking_pj@yahoo.com