Coco, original choice ni Binoe sa ‘Bato’

January 24, 2019
Robin Padilla
Robin Padilla & the cast of ‘Bato...’

Si Coco Martin pala ang unang-unang inirekomenda ni Robin Padilla para gumanap na Gen. Ronald “Bato” dela Rosa sa film bio nito na Bato: The General Ronald dela Rosa Story, pero hindi  nagkaintindihan sa schedule ng aktor.

Ayon kay Binoe, hindi   talaga siya ang dapat na gaganap na Bato sa pelikula.

Gusto sana niyang ibigay ito sa mas batang action star natin.

Inirekomenda rin daw niya ang pamangkin na si Daniel Padilla para gumanap na young Bato.

Hanggang later on, ang manugang na niya na si Aljur Abrenica ang dapat sana’y gaganap sa title role.

“Siya (Aljur) po ang kinukuha namin dito, hindi nagkaintindihan dahil pinagbibintangang propaganda, mahirap!” nasambit na lang ni Binoe.

“Hindi kami natuloy, ilang beses na kaming nag-usap ni Aljur,” aniya.

Kasama raw siya sa pagpaplano ng naturang filmbio at Star Cinema pa nga raw dapat ang unang magpu-produce nito.

Hanggang sa si Binoe na raw sana ang magpu-produce, pero hindi rin nagkatuluyan dahil nagkaroon    sila ng misunderstanding ni Bato pero nagkaayos din.

To cut the long story short, napunta na nga sa ALV Films at Regal Films ang istorya at napapayag din siyang gawin ang pelikula dahil hindi talaga niya mahindian si Arnold Vegafria, producer ng movie.

“Nagpapasalamat ako sa ALV, kasi, ibinigay po sa amin ang lahat na teknikal na gamit. Kung ano po ang ginagamit sa Hollywood, ’yun po ang ginamit namin. Wala naman po akong masasabi, the best team ang ibinigay sa akin,” pahayag pa ni Binoe.

Bagama’t malayo ang anatomy nila ni Gen. Bato, ang ipinagkapareho lang daw nila ay pareho silang takot sa asawa.

Seriously, nilinaw daw ni Binoe sa direktor na si Adolf Alix Jr na hindi niya gagayahin si Gen. Bato dahil magkaiba talaga sila.

“Sabi ko, ‘Direk, hindi po ako impersonator ni Bato. Artista po ako. Ayoko ng gagayahin natin ’yung mga ganito, ganito, hindi ko po kaya ’yun. Kailangang bigyan mo rin ako ng 50%, sarili kong interpretation at kung sino si Bato. Kasi, kung gagayahin natin si Bato talaga, eh, kumuha tayo ng talagang kamukha ni Bato,’” saad ni Binoe.

Ipapakita sa pelikula kung ano ang pinagmulang buhay ng dating PNP chief: Mula sa isang simpleng bata from a rural area na hinubog ng ama, ang mga challenge na dinaanan niya bilang policeman, ang mga personal na problema na kinaharap niya, ang daily dangers na nai-encounter ng isang police officer, pati na ang conflict ng trabaho sa mga mahal sa buhay.

Showing na sa Jan. 30 ang Bato: The General Ronald dela Rosa Story at kasama rin sa cast sina Beauty Gonzales, Alvin Anson, Archie Alemania, Chanel Morales, Efren Reyes, Gardo Versoza, Gina Alajar, Jess Mendoza, Joko Diaz, Jun Hidalgo, Kiko Estrada, Kiko Matos, Polo Ravales, Mon Confiado, Ricky Davao at marami pang iba.