Coco, sumali sa ‘Mr. Pogi’

December 07, 2018
Coco Martin
Coco Martin

Inamin ni Coco Martin na pinaka-nahirapan siya sa eksenang sumali siya sa Mr. Pogi ng Eat Bulaga sa pelikulang Jack Em Popoy: The Puliscredibles. Pakiramdam daw niya ay hindi lang eksena ang ginagawa niya kundi parang totoong sumali siya dahil nerbyos na nerbyos daw siya.

Ideya raw ni Direk Mike Tuviera at ng writer na isama sa pelikula ang Eat Bulaga kung saan ay sumali nga siya sa Mr. Pogi search.

“Actually, honestly, ako po, kung ako ang tatanungin, hindi ko talaga kayang gawin ’yung eksenang ’yun,” natatawang simula ni Coco sa grand mediacon ng Jack Em Popoy: The Puliscredibles.

“Eh, kasi, may talent portion, eh. Eh wala naman akong talent, eh. May question and answer saka may talent portion.

“Nu’ng sinu-shoot po namin talaga siya as in, sabi ko, siguro lagpas yata ng 10 takes ako do’n, nu’ng papakilala pa lang ako, and then, after that, siyempre, may rehearsal pa, sasayaw ako, magra-rap ako, kumbaga, parang... ’yung nerbyos, pakiramdam ko, totoo siyang ano, totoo akong sumali ng Eat Bulaga.”

Noon daw ay nakapag-guest na rin siya sa Eat Bulaga, noong panahong nasa Daisy Siyete siya. Nag-promote raw sila sa EB at nagsayaw sila.

“Tapos po, nu’ng nandu’n ako, ’yun, parang bumabalik lang po sa akin. And then, nu’ng ginagawa na namin ’yun, nu’ng sinu-shoot na namin ’yun, eh, talagang parang totoong live na live po naming ginagawa. ’Yung nerbyos po, parang totoong-totoong contest po.

“Kaya nu’ng nandoon ako, nakailang take ako, tapos, honestly, hindi ko siya matapus-tapos, hindi ko matapus-tapos ang eksena ko, pero ’yun, finally. Pinagtiyagaan po ako ni Direk Mike kaya naano po namin,” kwento pa ng Kapamilya Primetime King.

“Kaya, sabi ko nga, kung merong pinaka-memorable sa akin sa buong pelikula, ’yun po, sumali po ako sa Eat Bulaga.”

Dagdag naman ni Direk Mike, talagang noon lang daw niya nakitang sobrang kinakabahan si Coco at nilagay daw nila ’yun sa bloopers after the movie. Payo niya sa mga manonood, huwag munang tatayo pagkatapos ng pelikula.

As we all know, isang Kapamilya actor si Coco at siyempre, baka may maka-misunderstand sa eksena na mapapanood siyang sumali sa Mr. Pogi ng EB sa kabilang istasyon.

“Pero wala naman kaming nakikitang masama kasi ginagawa naman natin itong pelikulang ito, eh, para sa mga tao, para mapaligaya natin ’yung mga tao.

“Tapos nu’ng inano namin na ‘sige, bakit hindi natin subukan?’ And then, finally, nu’ng ginawa namin, talagang sobrang ganda naman niya lumabas, kasi parang first time, makikita ako du’n,” sey pa ni Coco.

Ang Jack Em Popoy: The Puliscredibles ay kauna-unahang pagkakataon na nagsama sina Coco, Maine Mendoza at Bossing Vic Sotto sa isang pelikula.

Ito rin ang unang pagkakataon na magsasama in one movie ang Eat Bulaga family at ang FPJ’s Ang Probinsyano family na sina Tirso Cruz III, Lito Lapid, Ronaldo Valdez, Cherry Pie Picache, Arjo Atayde, Ryza Cenon, Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Ryza Mae Dizon, Baeby Baste, PJ Endrinal, Mark Lapid, Ronwaldo Martin at marami pang iba.

Showing na sa Dec. 25 ang Jack Em Popoy: The Puliscredibles bilang isa sa walong official entries ng 44th Metro Manila Film Festival (MMFF).