Coco, walang tampo sa GMA-7

December 11, 2018
Coco Martin,Vic Sotto & Maine Mendoza

Sinagot ni Coco Martin ang Instagram post ng veteran columinist/talent manager na si Lolit Solis tungkol sa isyung diumano’y banned ang Kapamilya Primetime King sa GMA-7.

Sa post ni Nay Lolt, hindi raw siya naniniwalang hindi pwedeng banggitin ang pangalan ni Coco sa Kapuso network kaugnay ng promo ng Jack Em Popoy: The Puliscredibles, kung saan ay kasama ng aktor ang Kapuso stars na sina Vic Sotto at Maine Mendoza.

“Hindi naman ako maniniwala sa balitang ‘banned’ si Coco Martin sa GMA. Hindi naman siguro ganu’n ka-petty na ang co-star ni Bossing Vic Sotto sa filmfest movie niya hindi puwedeng banggitin ang pangalan.

“Baka naman may moment lang si Maine Mendoza kaya nalimutan banggitin ang pangalan ni Coco nang mag-promote siya. Imposible na hindi pagbigyan ng GMA si Coco dahil alam din ng lahat na sa 7 nag-umpisa ang career ni Coco Martin.

“Huwag na natin bigyan malisya na hindi siya nabanggit, baka may big pakulo para sa announcement ng naturang movie, malay natin, wait lang tayo,” ang bahagi ng post ni Nay Lolit.

Sinagot naman ito ni Coco sa comments section at aniya, hindi siya nagtatampo sa GMA-7.

“’Nay, okey lang po ’yon at naiintindihan ko po, sobrang taas ng respeto ko sa GMA dahil sila ang unang nagbukas sa ’kin ng pintuan lalo na po si Sir Joey Abacan, napakabait po nila sa ’kin kaya wala pong problema sa ’kin ’yon at kahit kailan hindi ako magtatampo sa kanila.

“Masaya na ako na natupad ko ang pangarap ko na makatrabaho po si Bossing at ganu’n din po si Maine,” ang pahayag ni Coco.

Base sa comment ng fans sa thread, sa Sunday PinaSaya guesting ni Maine last Sunday nangyari ang hindi pagbanggit ng Phenomenal Star sa pangalan ng leading man habang ipinu-promote ang pelikula.

Ang binanggit lang daw ni Maine ay ang Dabarkads at si Vic Sotto.