Cristine at Xian hardworking actors

February 15, 2020

HARDWORKING sina Cristine Reyes at Xian Lim ayon sa direktor na si Sigrid Andrea Bernardo tungkol sa lead stars ng Untrue, ang pelikula ng Viva Films at The IdeaFirst Company na mapapanood sa mga sinehan simula sa February 19.

Siguradong-sigurado si Sigrid sa kanyang mga pahayag dahil nakilala niya nang husto sina  Cristine at Xian sa shooting ng Untrue sa Tbilisi, Georgia.

Matagal na namalagi ang tatlo sa Tbilisi dahil dito kinunan ang halos lahat ng mga eksena ng suspense-thriller movie na tungkol sa mental health.

Ayon kay Direk Sigrid, “ False” ang unang naisip niya na title para sa Cristine-Xian starrer.

“Puwedeng ‘False’ pero ang pangit so true, Untrue.Sana maging ready ang (moviegoers) sa Untrue.It’s a different take on mental health issues. I hope mas ready ang Pinoy na manood naman ng iba’t-ibang genre ng pelikula.

"It’s still a love story pero iba lang ‘yung genre niya.Sana, open ‘yung mga Pinoy na panoorin.”

Napanood namin ang Untrue sa  QCinema International Film Festival noong October 2019 at totoo ang sinabi ni Sigrid na kakaiba ang kuwento ng Untrue na dapat umpisahan para maintindihan ng manonood ang mensahe na nais iparating ng pelikula.

Hindi lamang kakaiba ang plot ng Untrue dahil talagang maipagmamalaki nina Cristine at Xian ang outstanding performances nila na puwedeng magbigay sa kanila ng mga acting nomination sa susunod na taon.