Dahil daw kay Julia: Bea at Gerald, may problema na naman?

July 22, 2019
Gerald Anderson & Julia Barretto

IT was in May last year nang magkaroon ng problema ang relasyon ng magkasintahang Bea Alonzo at Gerald Anderson pero naayos nila ang kanilang problema bago pa man ito humantong sa kanilang tuluyang paghihiwalay.

Mukhang nasa balag  ng alanganin na naman ang relasyon ng dalawa ngayon matapos mag-post ng isang cryptic message si Bea sa kanyang Instagram na pinaniniwalaan ng marami na ito’y patungkol kay Gerald.

Kamakailan lamang ay naispatang magkasama umano sina Gerald at ang kanyang leading-lady sa “Between Maybes” na si Julia Barretto sa birthday party ng dating Kapamilya actor at barkada ni Gerald na si Rayver Cruz na ginanap sa isang resto-bar sa Bonifacio Global City (BGC) na dinaluhan din ng girlfriend ni Rayver na si Janine Gutierrez, ang elder brother ni Rayver na si Rodjun Cruz at fiancée nitong si Dianne Medina, ang mag-asawang Dani Barretto at Xavi Panlilio at actor na si Enchong Dee at iba pa.

Kung matatandaan pa, may mga lumutang na balita na si Gerald umano ang dahilan ng break-up nina Julia at boyfriend nitong si Joshua Garcia na agad namang pinabulaanan ng dalawa.   

Viral ang photo na magkasama sina Julia at Gerald sa birthday party ni Rayver na nakarating na rin sa kaalaman ni Bea.

Narito ang nakasulat sa Instagram account ni Bea, “You don’t make the same mistake twice.  The second time you make it, it’s not a mistake anymore.  It’s a choice.  ENOUGH.”

Sa mensahe ni Bea, mukhang namumuro na naman ang relasyon nila ni Gerald na naging ex-boyfriend din ng dating mag-best friends na sina Kim Chiu at Maja Salvador.

Samantala, nag-trending ang cameo appearance ni Bea Alonzo sa hit afternoon TV series na “Kadenang Ginto”.

Dumaan lamang umano si Bea sa taping ng serye para dalawin ang kanyang kaibigang si Dimples Romana pero binigyan siya ng instant cameo role  ng director ng TV series.  Biglaan lamang daw `yon at hindi kasama sa script.

Kasalukuyang pinagkakaabalahan ni Bea ang kanyang bagong movie sa bakuran ng Star Cinema na pinagsasamahan nila nina Richard Gutierrez at Angelica Panganiban.