Dating beauty queen-actress naghahanap pa rin ng katarungan

March 12, 2020
Rochelle Barrameda
Rochelle Barrameda

KUMUSTA na ang celebrity couple na sina Rochelle Barrameda and Jimwell Stevens?

Just like any other couples, inamin sa amin ng mag-asawang Rochelle at Jimwell na dumaan din umano  sa maraming pagsubok ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa na kamuntik mauwi sa paghihiwalay.  Pero nanatili umano silang matatag at naging maunawain at supportive  si Jimwell sa pinagdaanan noon ng pamilya ni Rochelle dahil sa nangyari sa kanyang nakababatang kapatid na si Ruby Rose Barrameda na pinatay, itinali ang mga kamay at paa at  isinilid sa isang drum na may semento at saka itinapon sa  Navotas port.   Hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang karumal-dumal na pagpatay at pagkawala ni Ruby Rose nung March 14, 2007.  Two years later ay lumutang ang main witness at siyang nagturo kung saan itinapon ang katawan ni Ruby Rose.

Ang buong akala ng pamilya ni Rochelle ay ‘yon na ang simula na makamit nila ang hustisya para sa kanyang kapatid pero hindi pa pala dahil nag-recant ang witness at nag-disappear na ito habang napawalang-sala naman ang mga itinuring na masterminds ng pagpatay sa kanyang kapatid.

Ayon kay Rochelle, dumating pa umano sa punto na naisanla nila ang kanilang bahay sa Parañaque para matustusan lamang ang kanilang legal battle pero sadya umanong mapera at makapagyarihan ang kanilang kalaban kaya hanggang ngayon ay hindi pa umano nila nakakamit ang hustisya para sa kanyang kapatid.

“More than me as a sister, mas naaawa ako sa parents namin.  Mas masakit para sa kanila ang ginawa kay Ruby (Rose),” ani Rochelle na hanggang ngayon ay patuloy na nananalangin na sana’y mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid.

“Hindi pa rin  ako nawawalan ng pag-asa.  I know in God’s perfect time ay makakamtan din ng kapatid ko ang katarungan,” aniya.

Hirap din noon si Rochelle na asikasuhin ang kaso ng kanyang kapatid dahil sa araw na nawala si Ruby Rose (March 14, 2007) ay isinilang naman niya ang pangatlong anak nila ni Jimwell na si Jimelle Robby, now 13 years old.

“Parang pinag-adya.  Nawala si Ruby sa araw mismo ng kapanganakan ni Jimelle,” pagbabalik-tanaw ni Rochelle na isa nang successful entrepreneur with husband Jimwell matapos nilang itayo ang Skinfrolic by Beautederm na meron na ring dalawang branches, isa sa BF Homes, Parañaque at isa sa Ayala Mall – Manila Bay.

Ang mag-asawang Rochelle at Jimwell ay may apat na anak – sina James Rohwell (22), Jullia Rohjim (19), Jimelle Robby (13) at ang bunso nilang si Gichelle Railey (3).

Although bukas pa rin ang mag-asawa sa kanilang showbiz career, mas focused sila ngayon sa kanilang mga anak at negosyo.

Bago nag-showbiz, si Rochelle ay naging Miss Photogenic of the Philippines in 1994 at pagkatapos nito ay saka  naman nito pinasok ang showbiz bilang contract star noon ng Regal Films at first movie niya ang “Massacre Files” kung saan niya nakabituin sina Alma Concepcion at Joanne Quintas na parehong beauty queens noon.  Ito’y dinirek ni Joey Romero at tinampukan din nina Monsour del Rosario, Zoren Legaspi, Chuck Perez at iba pa.

Si Jimwell ay tinanghal na Face of the Year in 1993. Two years later ay saka naman ito nag-showbiz nang siya’y mapasama sa teleserye noon ng ABS-CBN, ang “Flordeliza”.

Inamin sa amin ni Jimwell na una niyang naging kasintahan si Alma Concepcion bago naging sila ni Rochelle.

Sina Rochelle at Jimwell ay ikinasal nung May 21, 1997 habang four months pregnant na noon si Rochelle sa kanilang panganay na si James Rohwell.

Sa darating na May 21 ay isi-celebrate ng mag-asawa ang kanilang 23rd wedding anniversary.