Deborah timbog na naman sa droga

September 09, 2019
Deborah Sun
Deborah Sun

NALULUNGKOT kami para sa veteran actress na si Deborah Sun (Jean Louise Porcuna Salvador) dahil droga ang naging dahilan ng kanyang pagkakakulong noon at droga rin ang dahilan ng kanyang muling pagkakakulong matapos itong mahuli sa isang buy-bust operation ng joint forces ng Quezon City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nung madaling araw ng September 8, 2019, Sunday sa isang condominium unit in Cubao, Quezon City.  Kasamang nahuli ni Deborah ang kanyang bunsong anak na si Angela at dalawang lalaki.

Taong 1989 nang umalis si Deborah patungong Amerika para takasan ang kanyang kaso na may kinalaman sa droga.  In  the same year, nag-file ng estafa case sa kanya ang dati niyang kaibigan at actress na si Lorna Tolentino na may kinalaman sa mga alahas na kinuha umano nito na hindi nabayaran.  Nang bumalik sa bansa si Derobah in 2004, siya’y hinuli at ikinulong dahil sa pending estafa case laban sa kanya pero nabigyan ito ng conditional pardon in 2005.

Si Deborah ay katorse nang kanyang ipagbuntis ang panganay na si Gelanie na nakulong din sa San Juan na may kinalaman sa droga.  Kinilalang mga magulang ni Gelanie ang parents ni Deborah na sina Leroy Salvador, Jr. at Corazon `Baby’ Porcuna at kapatid naman ang pagkakilala niya noon kay Deborah.  Nalaman lamang ni Gelanie ang katotohanan sa kanyang pagkatao nang ito’y makulong dahil sa droga.  Sa halip na mapalapit, naging malayo ang loob ni Gelanie sa kanyang inang si Deborah.

Ang pangalawang anak ni Deborah ay si Jam Melendez sa namayapang actor na si Jimmy Melendez.  Si Jam ay half-brother ni Aiko Melendez.  At bunso naman niya si Angela na kasama niyang naaresto nung linggo.

Si Deborah ay half-sister ng actress na si Jobelle Salvador (sa father side) at pinsan ng aktres na si Maja Salvador.  Pamangkin naman siya ng veteran actor na si Phillip Salvador at namayapang veteran actress na si Alona Alegre.

Si Deborah (at ang kanyang mga anak at apo) ay pinatira nang libre ng singer-actress-entrepreneur na si Ara Mina sa isa niyang condo in Cubao, Quezon City dahil wala itong matirahan. May mga pagkakataon pa ngang binibigyan pa ito ni Ara ng mga pinamili niyang groceries dahil walang pinagkakakitaan.  Sa pagkakaalam namin, may sakit din umano si Jam at kailangan nito ng patuloy na medication.

Dahil sa nangyari, malamang na paalisin na ni Ara ang pamilya ni Deborah sa kanyang condo unit kung saan umano nahuli ang mag-inang Deborah at Angela at dalawa pang kasama.

Si Deborah ay huling napanood sa pelikulang “Moron 5 and the Crying Lady” in 2012.  Nakasama rin siya sa mga pelikulang “Pasan Ko ang Daigdig,” “Temptation Island,” “Pakawalan Mo Ako,” “Diary of Cristina Gaston” at iba pa.