Dennis, pinasalamatan si Jennylyn sa best actor win

December 28, 2018
Dennis Trillo & Kim Chiu
Dennis Trillo & Kim Chiu

Hindi nakadalo si Dennis Trillo sa Gabi ng Parangal ng 44th Metro Manila Film Festival na ginanap last Thursday night sa Solaire Hotel kaya ang manager niyang si Popoy Caritativo ang tumanggap ng napalunan niyang best actor award para sa Regal Entertainment entry na  One Great Love.

Ayon kay Popoy sa kanyang speech, may trangkaso si Dennis at nagpapagaling sa bahay.

Ayon pa sa manager, taong 2004 nang unang manalo ng acting award, best supporting actor, si Dennis.

Ito ay sa MMFF awards night din para sa pelikulang Aishite Imasu ni Joel Lamangan.

Sa kanyang Instagram account kahapon ay nagbigay si Dennis ng kanyang pasasalamat sa natanggap na pangalawang acting award sa MMFF.

“Labing apat na taon mula noong ako’y unang nakatanggap ng ganitong parangal, para sa pelikulang Aishite Imasu 1941 directed by Joel Lamangan, na siya ring pinakauna kong pelikulang nagawa sa buong buhay ko,” simula ng post ni Dennis.

“Salamat po Mother Lily sa pagtitiwala noon pa man, hindi ko po ’yun makakalimutan. Taus puso rin ang aking pasasalamat kay Miss Kim Chiu, JC de Vera, Marlo Mortel at Miles Ocampo lahat ay magagaling at seryoso sa trabaho, mapalad at proud akong nakagawa ng proyekto kasama kayo.

“Malaking bagay din ang tulong at paggabay ng aming director na si Direk Eric Quizon @eric_quizon. Salamat sa pagbigay ng kumpiyansa sa akin upang magampanan ko nang maayos ang role ni Ian.

“Ang lahat ng ito ay hindi ko magagawa kung hindi sa tulong ng lahat ng mga mahal ko sa buhay,” patuloy ni Dennis.

Nakakatuwa na hindi niya nakalimutang pasalamatan ang girlfriend na si Jennylyn Mercado. “Salamat sa inyong pag-aalaga at pagmamahal sa ’kin lalo na kay @mercadojenny. Sana po ay mapanood niyo ang #onegreatlove Merry Christmas and Happy New Year po sa inyong lahat,” sey pa ni Dennis.

Nagkomento naman si Jen sa comments section at binati ang BF.

“Congrats Love! I’m so proud of you!” ani Jen.

Maging ang kapatid ni Dennis sa Cain at Abel na si Dingdong Dantes ay nagpahatid ng pagbati sa co-actor.

“Congrats brader,” comment ni Dingdong, na sinagot naman ni Dennis ng, “salamat kapatid.”