Deo, nag-react sa pagkakadawit sa kontrobersiyang Kris-Nicko

January 11, 2019

“Itong si Nicko (Falcis), idinamay pa ako, okay kami ni Kris (Aquino),” ito ang sabi sa amin ni Deo Endrinal, dating manager ng huli sa mga show nito sa ABS-CBN.    

Na-corner namin ang TV executive pagkatapos ng solo presscon ni Angel Locsin para sa bagong seryeng The General’s Daughter na mapapanood sa Enero 21, Lunes.

Bagama’t hindi direktang binanggit ng dating managing director ng Kris C. Aquino Productions ang pangalan ni Deo, nabanggit nito na, “Star Cinema did really welcome her (Kris). But there was just some missing individuals. Yes, all her previous managers, I think. I guess all the old people that she is used to seeing. Nobody's there.”

At dahil dito ay ang PEP na ang nagpangalan kina Deo at Boy Abunda (manager ni Kris sa pelikula at TV commercials).

Ayon pa kay Deo, wala siya sa ABS-CBN nu’ng pumunta si Kris para sa contract signing at presscon ng pelikulang I Love You, Hater dahil out of the country siya.

“Kung nandito ako noon, bakit naman hindi ko siya bababain? Wala kaming naging problema ni Kris.  Okay kami. Pumunta siya sa wake ng mommy ko. Nagkaka-text-an kami, nagkukumustahan kami, hindi ko lang siya nakausap ngayong maysakit siya kasi naging busy din ako sa mga ilu-launch kong programs sa IWant,” kuwento ni DTE (tawag kay Deo).

Tinanong naman ni Manay Ethel Ramos ang tungkol sa sakit na Lupus ni Kris at si Deo ang nagpaliwanag na sanhi ito ng iba’t ibang karamdaman, hindi lang isang particular na sakit, kundi maraming kumplikasyon at umaasa siyang malalampasan ito ng dati niyang talent.

Sa loob ng 18 years na mag-talent at manager sina Deo at Kris ay hindi maiiwasan ang minsang tampuhan pero lahat ay naaayos at ni minsan ay hindi sila nagkaroon ng problema sa usaping pera.

“Dumating ako dito sa ABS, nandito na siya (Kris),” sabi pa ng TV executive.

Tanda namin ay ang ABS-CBN management mismo ang nagsabi kay Deo na siya ang mag-manage ng TV career ni Kris.

At dahil okay naman pala sina Kris at Deo, posible bang muli silang magkatrabaho? Bukod ito sa bagong management company ng una na Cornerstone na pinamamahalaan ni Erickson Raymundo.

“Hindi na, kayang-kaya na nila ’yun kasi nakapag-build na nga siya (Kris) ng digital company niya, nakapagpatayo na nga siya ng empire sa online.

“Ako nga, nagsisimula palang, inaaral ko pa ang digital dahil sa Iwant. I have 12 shows to be launched sa IWant kaya talagang pinag-aaralan ko,” katwiran ng Dreamscape Entertainment head.

* * *

Usaping ABS-CBN pa rin, nabanggit din ni Nicko na maraming reklamo si Kris sa nasabing kumpanya.

Ani Nicko sa panayam niya sa PEP, “I do not know her life during ABS-CBN -- but, those were her rants to me.”

Again, sa maraming taon ni Kris sa Kapamilya network ay hindi naman niya itinanggi na may mga isyu sila at lahat iyon ay naayos o natapos na.

’Di ba’t noong hindi pa natatapos ang construction ng bahay niya sa Quezon City ay inalok siya ng Lopezes na tumira muna sa Rockwell at pinost ito ni Kris sa kanyang social media account noon?

Anyway, nitong bakasyon ni Kris kasama ang mga anak na sina Josh at Bimby plus KCA staff sa Tokyo, Japan ay nagkita sila ng CEO at presidente ng ABS-CBN na si Mr. Carlo Katigbak kasama ang wife nito at nag-dinner sila.

Akala namin ay “tsaa time” lang ang naganap, pero may mga nag-tip sa aming kababayang Pinoy na nasa venue that time na masayang nagkukuwentuhan habang kumakain sina Kris at Mr. Katigbak.

’Yun lang, hindi na narinig pa ng nag-tip sa amin kung ano ang mga pinag-usapan.

Sa madaling salita, walang isyu o wala nang isyu sa pagitan ni Kris at ng ABS-CBN management, taliwas  sa mga pahayag ni Nicko.