Devon, dinaan ni Kiko sa ligaw-Pinoy

January 25, 2019

Ayon kay Kiko Estrada, nahirapan siya sa panliligaw kay Devon Seron bago masungkit ang matamis nitong “oo.”

“Niligawan ko po si Devon, dalagang-Pinay,” sey ni Kiko nang makatsikahan namin sa presscon ng Bato: The General Ronald dela Rosa Story, “nanay, tatay, simbahan muna sa simula. Kaya espesyal siya sa buhay ko.”

Niligawan daw niya si Devon pagkatapos nilang gawin ang pelikulang Walwal na matatandaang ipinalabas noong June, 2018.

Sinagot daw siya ng dalaga noong August 8, 2018 kaya five months pa lang bale ang relasyon nila.

Asked kung bakit ngayon lang sila umamin at nag-deny pa si Devon noong unang tanungin ng press, ani Kiko, babae ito at hindi magandang mauna pang umamin.

“Kasi, ’yung reason naman po bakit ganu’n, kasi may trabaho si Devon nu’n, may bagong show. Ako po, wala po akong bagong show nu’n, kaya wala pong nag-i-interview po sa akin noon.

“Sinabi ko naman kay Devon, once ako may show at in-interview po ako at may press, sasabihin ko po ’yung parte ko. Sinabi ko po sa kanya. Hindi po kasi tama na babae ang umamin,” sey pa ni Kiko.

Napag-usapan din namin ng anak ni Gary Estrada ang tungkol sa paglipat niya sa ABS-CBN na okay na okay na raw lahat at magsisimula na siyang mag-shoot ng bagong serye kasama sina Sylvia Sanchez, Arci Muñoz, JM de Guzman at marami pang iba under Ruel Bayani’s unit.

Paano ang naging proseso ng kanyang transfer mula sa Kapuso to Kapamilya network?

“I just wanted to explore kung anuman ’yung meron pang iba para sa akin. Pero I’m always gonna be appreciative and grateful to GMA-7 kasi I grew up there and that will always have a special place in my heart,” sey ng aktor.

Para ngang nagkataon naman na kung kelan lumipat si Devon sa GMA-7 from ABS-CBN, saka naman siya lumipat sa Kapamilya.

Parang nag-switch lang sila ng network.

“Okay lang naman. Nagsama naman kami sa GMA pero hindi kami pinagsama. They have no plans to pair us up,” sambit niya.

Samantala, isang malaking oportunidad para kay Kiko na gumanap na young Bato (Robin) sa filmbio ni Gen. Bato.

Ipinakita nga niya sa amin ang sugat sa daliri niya na natamo habang sinu-shoot ang movie dahil sa mga action scene niya. Six stitches daw ang inabot niya.

Ang part daw niya sa story ay noong nasa 20s pa lang si Gen. Bato na bagong sali ng Philippine Military Academy hanggang sa first mission nito at nanghuhuli ng masasamang loob kaya marami siyang action scenes.

Siya rin daw ’yung part na nanliligaw ito sa napangasawang si Nancy, ginagampanan naman ni Alyssa Muhlach, at nang mag-mature ay si Beauty Gonzales.

“I think, I’ve a good ¼ (of the film), ay, maybe less, 10 scenes. Actually, it didn’t count dahil medyo mahaba kasi ang mga eksena ko, eh. Mga habulan, mga may action, may mga dialogue, ligawan sa asawa niya,” he said.

Showing na sa Jan. 30 ang Bato: The General Ronald dela Rosa Story mula sa direksyon ni Adolf Alix Jr. under ALV Films and Regal Entertainment.