'Di pagdalo ni Alessandra sa presscon personal ang dahilan

February 14, 2020

MAY personal na dahilan ang hindi pagdalo ni Alessandra de Rossi sa presscon ng Watch List noong Huwebes, February13.

Dahil sa no-show si Alessandra, ang Watch List American director na si Ben Rekhi at ang young actor na si Micko Laurente ang humarap sa entertainment writers.

Bumiyahe pa si Ben mula sa Amerika para lang sa presscon ng pelikula na tungkol sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang pamilya.

Si Alessandra ang lead actress ng Watch List at si Micko ang gumaganap na anak niya.

Masaya na katrabaho si Alessandra ang sabi ni Micko na tatlong beses nang gumaganap bilang anak ng aktres sa pelikula, sa Watch List, sa 2015 indie movie na Bambanti at sa isang short film.

Maliit na bata pa lamang si Micko nang magkasama sila ni Alessandra sa Bambanti at teenager na siya nang umpisahan nila ang shooting ng Watch List kaya gulat na gulat ang aktres sa mabilis na physical transformation niya.

Meanwhile, plano ni Ben na mamalagi nang matagal sa Pilipinas pagkatapos ng showing ng Watch List sa mga sinehan sa February 19 dahil gusto niya na makita ang kagandahan ng ating bansa.

Ikinuwento ni Ben na maliban sa 6th Avenue sa Caloocan City, wala na siyang ibang lugar na napuntahan nang gawin niya ang Watch List noong 2017 . Kinunan sa Caloocan City ang lahat ng mga eksena ng kanyang unang Filipino movie project.