Dinedma

January 06, 2019
Kris Aquino

Pagkampi ni Greta kay Nicko, ’di pinansin ni Kris sa live feed.

... bukol sa lalamunan, inamin ng dating presidential sister.

Hiling ni Kris sa Diyos, umabot sa 18th birthday ni Bimby.

Sa kanyang “live feed” last Saturday night ay nag-reveal si Kris Aquino ng ilang detalye tungkol sa kanyang health problems na aniya ay hindi niya dapat ibubunyag dahil mangangahulugan ito ng pagri-resign niya sa isa niyang endorsement.

“Sept. 27 (2018), hindi talaga maganda ’yung resulta ng blood test dito sa Pilipinas. Bakit (ako) nag-apura na Sept. 29, lumipad na sa Singapore? Bakit Oct. 2 pumunta na sa isang allergy specialist, rheumatoid specialist and immunologist?” sey ni Kris.

Ito ay dahil daw sa ang diagnosis sa kanya rito sa Pilipinas ay nagpapakita ng sintomas ng isang form of lupus at aniya, there are several forms of lupus.

Matatandaang noong October last year ay ni-reveal ni Kris na mayroon siyang Chronic Spontaneous Urticaria.

Aniya that time, inakala niyang lupus ang kanyang sakit.

“I’m allergic to every single medicine that can cure you or at least, manage your symptoms kung may lupus ka. All my doctors are doing now, is delaying it. They’re delaying the inevitable,” pahayag pa ni Kris.

“I also have Fibromyalgia, you can check that out, those were the days na hindi (ako) nakakatayo, tatlo o apat na araw, I would like to thank the people around here because of the absolute loyalty they have shown, because they knew about those days but they kept quiet because gusto ko pang mag-ipon para sa mga anak ko.”

Ipinahayag din niya na allergic siya sa halos lahat ng bagay sa paligid.

Bawal sa kanya ang puno, anything about 33°C, dry weather, pollen, dahil lalabas daw ang urticaria.

“Naninikip po ang lalamunan (ko), ang ibig sabihin no’n hindi na nakakahinga. So, I am one fatal allergic reaction away from anaphylactic shock,” she said.

Nagsalita rin si Kris tungkol sa kanyang thyroid disorder at may bukol siyang itinuro sa bandang lalamunan.

“I didn’t want to reveal this because I couldn’t even tell my sisters,” aniya.

Nakatakda raw siyang lumipad sa Singapore the following day (yesterday, Sunday) para sa isa pang check-up dahil hindi pa raw bumabalik ang kanyang dating weight.

Nagsalita rin nang kaunti si Kris hinggil sa idinemanda niyang si Nicko Falcis although mas okay sana kung nalinaw niya ang mga sinabi ng dati niyang empleyado sa KCAP (Kris Cojuangco Aquino Productions) sa counter-affidavit nito.

“Hindi na ako galit sa iyo, Nicko. Pero harapin mo naman lahat ng kaso mo. ’Yun lang. I did not lie. I don’t want to die being accused as a liar,” pahayag pa ni Kris.

Samantala, sa live feed din ay inamin ni Kris na kaya siya nakikipag-areglo kay Nicko nu’ng una ay dahil pinakiusapan siya ng kanyang mga kapatid.

Pero, ayon nga sa kanyang battery of lawyers na naroon din sa kanyang IG Live, hindi nakipag-cooperate ang kampo ni Nicko.

Sa isang emosyonal na bahagi ng live feed, kahit siguro plano niyang hindi masyadong magsalita, sinabi ni Kris na ang dasal niya nu’ng Pasko habang nasa bakasyon sa Japan ay bigyan pa siya ng Diyos ng extension hanggang maging 18 years old ang bunsong si Bimby.

Hinihintay din sana naming magbigay si Kris ng reaksyon about Gretchen Barretto for siding with Nicko at sa pahayag nitong “STOP POWER TRIPPING” na obviously ay para sa kanya.

Pero “NR” (as in, no reaction) si Kris at dinedma altogether ang IG post na iyon ng long-time partner ng kamag-anak niyang si Tonyboy Cojuangco.

Sa IG post lang ni Kris Sabado ng gabi, sinabi niyang malamang ay hindi pa rin siya makapahinga sa social media, ’di tulad ng pangako niya, lalo na raw kung maganda ang magiging resulta ng gagawing check-up sa kanya sa Singapore.

Matapos nga pala ang live feed, dumiretso si Kris sa pa-block screening niya ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Rainbow’s Sunset, na produced ng Heaven’s Best Entertainment.

Ang Heaven’s Best ay pag-aari ng pamilya nina QC Mayor Herbert Bautista at ng tinawag ni Kris na “naudlot na sister-in-law” niyang si Harlene Bautista.

Bida naman sa Rainbow’s Sunset ang veteran stars na sina Eddie Garcia, Gloria Romero at Tony Mabesa.