Dingdong sa baby boy: Mag-relax ka lang

December 29, 2018
Dingdong Dantes

May mensahe na si Dingdong Dantes sa paparating na baby boy nila ni Marian Rivera.

“Hindi ko pa alam kung ano ang ipapangalan ko sa ’yo. Mag-relax ka lang, dahil masaya ang mundong papasukan mo at parati mong iisipin na maganda ang buhay. Dahil kung ’yun ang unang mindset mo ay mas gaganda ang pananaw mo at pakikitungo mo sa kapwa,” ang message ni Dong para sa upcoming baby boy nila during his guesting sa Magandang Buhay.

Nahilingan din ang aktor na magbigay ng mensahe sa asawang si Marian at anak nilang si Zia.

Para kay Marian, aniya, “Lalo na ngayon na siya ay nagdadalantao, mas nakikita ko kung ano ang kanyang purpose sa buhay.

“Siguro naging vehicle or entry point niya ang pagiging artista para makilala ako, tapos kinasal kami. Pero ang pinakagusto talaga niyang mangyari ay magkaroon ng pamilya, magkaroon ng mga anak.

“’Yung role niya bilang isang nanay ay talagang ginagampanan niya nang sobra-sobra. Hanga ako sa ganyang dedication niya. Susuportahan kita sa hirap o ginhawa, and I love you always.”

Kay Zia naman, ani Dong, “Huwag masyadong makulit, relax lang. Paparating na ang kalaro mo.”

Aminado rin ang aktor na sobrang excited na siya sa pagdating ng kanilang baby boy.