Direktor ng 'Probinsyano,' nakita sa presscon ng makakalabang 'Cain at Abel'

November 14, 2018
Dingdong Dantes and Dennis Trillo
Dingdong Dantes and Dennis Trillo

MARAMI ang nagulat sa mga dumalong entertainment writers sa press launch ng bagong magsisimulang primetime TV series ng GMA, ang “Cain at Abel” na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo dahil dumalo sa nasabing okasyon ang veteran action director na si Toto Natividad na isa rin sa mga director ng long-running action-drama TV series ng Kapamilya Network, ang “FPJ’s Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin.

Ang action-drama na “Cain at Abel” nina Dingdong at Dennis ay siyang makakatapat ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ni Coco na mahigit tatlong taon nang namamayagpag sa ere.

Si Direk Toto ang action director nina Dingdong at Dennis sa “Cain at Abel” na ang over-all directors ay sina Don Michael Perez at Mark Reyes (na hindi nakadalo sa press launch na ginanap sa penthouse ng Prime Hotel in Quezon City nung nakaraang Martes ng gabi, Nov. 13).

Ang “Cain at Abel” ay kuwento ng magkapatid na Daniel at Miguel/Elias na  ginagampanan nina Dingdong at Dennis na lumaki sa magkaibang mundo.  Si Daniel ay lumaking kumportable sa buhay sa kanyang ama habang si Miguel/Elias ay sa kahirapan napalaki ng kanyang ina na nag-relocate sa isang mahirap na fishing village.  Sa kanilang paglaki ay muling magku-krus ang landas ng estranged brothers.

Bukod kina Dingdong at Dennis, tampok din sa “Cain at Abel” sina Sanya Lopez, Solenn Heussaff, Eddie Gutierrez, Dina Bonnevie, Chanda Romero, Ronnie Henares, Tommy Abuel, Bing Pimentel, Renz Fernandez, Ervic Vijandre, Mark Abaya, Carlo Gonzales, Boy2 Quizon, Pauline Mendoza, Vince Vandorpe, Shyr Valdez, Leandro Baldemor, Euwenn Aleta at  may special guest roles sina Yasmien Kurdi, Diana Zubiri, Gio Alvarez, Rafael Rosell, David Remo, Seth de la Cruz at Ashley Cabrera.