'Eat Bulaga' magkakaroon na ng bagong studio

November 28, 2018
Tito Sotto, VIc Sotto and Joey De Leon
Tito Sotto, VIc Sotto and Joey De Leon

NAPAG-ALAMAN namin na sa darating na December 8 (Saturday) na ang lipat ng “Eat Bulaga” family mula sa Broadway Centrum in Quezon City na naging tahanan nila sa loob ng mahabang panahon. Ang longest-running noontime show ay nakatakdang lumipat sa kanilang bagong tahanan along Marcos Highway in Cainta, Rizal na ginastusan umano ng APT Entertainment ni Tony Tuviera ng mahigit kalahating bilyong piso.

Ang “Eat Bulaga” ay produced ng Television & Production Exponenents, Inc. (TAPE, Inc) na pinamumunuan ni Mr. Tuviera na siya ring big boss ng APT Entertainment at Triple A Talent Management.  Ang original hosts ng “Eat Bulaga” ay sina Tito, Vic & Joey (Senate President Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon) at ito’y nagsimula nung July 30, 1979 which first aired on RPN-9 sa loob ng 10 taon (1979-1989) bago ito lumipat ng ABS-CBN mula 1989 to 1995 at sa GMA mula 1995 hanggang ngayon.

Sa July 30, 2019 ay magsi-celebrate ang “Eat Bulaga” ng kanilang ika-apat ng dekada sa ere making it the longest-running noontime show hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo, isang record na mahirap nang maabot o mapantayan ninuman.

Tulad ng maraming mga pagbabago sa “Eat Bulaga” through the years, nanatiling buo ang TVJ (Tito, Vic & Joey) maliban lamang ngayon na isa nang Senate president si Tito Sen at pasulpot-sulpot na lamang kung magpakita sa nasabing noontime show dahil sa kanyang present position.  

Maraming beses na ring nagpapalit-palit ang ibang members ng programa kasama ang ibang co-hosts and mainstays.  Marami ring raw talents ang na-discover sa iba’t ibang segment ng “Eat Bulaga” na may malalaking pangalan na ngayon sa industriya tulad nina Michael V., Jericho Rosales, Gladys Reyes, Francine Prieto, Aiza Seguerra, Toni Gonzaga, Isabelle Daza, Maine Mendoza at maraming iba pa.

Sa paglipat ng “Eat Bulaga” sa kanilang bagong tahanan, inaasahan din ang pagkakaroon ng bagong segments ng programa na kinaaliwan ng mga manonood sa loob ng maraming panahon.