Echo gusto nang magkaanak sa model wife

December 07, 2018
Jericho Rosales
Jericho Rosales

Masaya  ang Kapamilya actor na si Jericho Rosales dahil sa magandang ratings ng kanyang primetime TV series na “Halik” kung saan niya kabituin sina Sam Milby, Yen Santos, Yam Concepcion kasama sina Amy Austria, Christian Bables, Romick Sarmanta, Cris Villanueva, Almira Muhlach at iba pa na extended umano hanggang sa unang quarter ng 2019.  Ang serye ay magkatulong na pinamamahalaan nina Carlo Po Artillaga at Cathy Camarillo.

Bukod sa kanyang top-rating TV series na “Halik” ay abala rin ngayon si Echo (palayaw ni Jericho) sa promo ng kanyang 2018 Metro Manila Film Festival movie na “The Girl in the Orange Dress” na pinagtatambalan nila for the first time ni Jessy Mendiola mula sa direksiyon ni Jay Abella under Quantum Films, Star Cinema at MJM Productions.

Kahit saan magpunta si Jericho ay Lino na umano ang tawag sa kanya ng mga tao.  Ito ang pangalan niya sa “HaliK” bilang si Catalino `Lino’ Bartolome, ang pinagtaksilang asawa ni Jacky na ginagampanan naman ni Yam Concepcion, ang kinamumuhiang character ng mga manonood along with Ace na ginagampanan naman ni Sam Milby.

Natatawa si Echo na minsan ay hindi napapaghiwalay ng mga manonood ang kanilang pinu-portray na character sa kanilang totoong buhay o pagkatao.  Ganun kasi ka-engrossed ang mga manonood.

Kung maganda ang takbo ng career ngayon ni Echo, umaasa rin siya at ang wife niya of more than four years, ang modelong si Kim Jones na sana’y mabiyayaan na rin sila ng anak.  Ang couple ay ikinasal sa pamamagitan ng isang beach wedding nung May 1, 2014.

Although wala pang anak ang mag-asawang Echo at Kim, ang actor  ay may 18-year-old son (turning 19 on December 13) na si Santino Rosales sa dating modelong si Kai Palomares.  Halos carbon copy ni Echo si Santino pero wala itong balak na mag-showbiz at sa halip ay naka-focus ito ngayon sa kanyang studies at sa sports.

Malayo na nga ang narating ng dating “Eat Bulaga” winner ng “Mr. Pogi” segment ng programa in 1996.

Samantala, tulad nina Vic Sotto, Vice Ganda at Coco Martin, nagiging suki na rin ng MMFF si Echo.  In 2015 ay kalahok ang movie niya with Jennylyn Mercado na “Walang Forever” under Quantum Films and MJM Productions.  Ito’y sinundan ng unang tambalan nila  ni Erich Gonzales sa pelikulang “Siargao” in 2017 na dinirek at prinudyos ni Paul Soriano under his own film outfit, ang Ten17 Productions in cooperation with Star Cinema.  This year, 2018 ay balik ulit siya sa 2018 MMFF with “The Girl in the Orange Dress” ni Jessy Mendiola.