Echo, nadale ng dengue!

December 06, 2018
Jessy Mendiola & Jericho Rosales

Hindi pa kami sinasagot ng aming source kung ano ang resulta ng complete blood count o CBC check-up ni Jericho Rosales na dinapuan ng dengue habang tinitipa namin ito kahapon.

Umaga pa lang ay kinukulit na namin ang aming source kung ano na ang lagay ng lead actor ng pelikulang The Girl in the Orange Dress.

“On his way to St. Lukes now,” sabi sa amin bandang 11 a.m.

Outpatient si Echo at pinayuhang magpahinga ng dalawa hanggang tatlong araw at saka bumalik para sa CBC.

Kailangang tumaas ang platelets ng aktor para hindi siya i-confine, bagay na ayaw din ni Echo dahil nga maraming mabibitin na trabaho.

Una ay apektado ang taping niya ng seryeng Halik at ikalawa ay ang promo ng The Girl in the Orange Dress.

Hindi kasi nahalatang maysakit ang aktor sa ginanap na grand presscon ng pelikula nila ni Jessy Mendiola na entry sa 2018 Metro Manila Film Festival sa direksyon ni Jay Abello para sa Quantum Films, Star Cinema at MJM Productions.

Pero alam na pala ito ng producer na si Atty. Joji Alonso, “Praying for him to be better. Napaka-treacherous ng dengue. Hindi lang nagpahalata but ang init niya no’n (grand presscon). 

“Nagulat ako when I touched his forehead. Sobrang taas ng respeto niya sa press. Ayaw niyang mawala sa presscon. He could have begged off, but he stayed. Tuwang-tuwa ako sa kanya kaya nagtatagal sa industry. Apart from being a really good actor, he knows how to value people.”

Anyway, simula sa Disyembre 25 ay mapapanood na ang The Girl in the Orange Dress kasama sina Jessy Mendiola, Via Antonio, Sheena Halili, Hannah Ledesma at Ria Atayde.

Hindi nakadalo sa presscon si Ria dahil may taping ng Maalaala Mo Kaya na mapapanood bukas, Sabado, sa Channel 2.