Edu may pag-asang muling makasama si Vilma

May 09, 2019
Atty. Sixto Brillantes and Edu Manzano

HUMARAP ang aktor/pulitiko na si Edu Manzano sa media nung nakaraang Miyerkules (May 8) kasama ang kanyang legal counsel, ang dating COMELEC (Commission on Elections) chairman na si Atty. Sixto Brillantes para ibalita sa lahat na walang atrasan ang kanyang kandidatura sa pagka-kongresista ng lone district ng San Juan.

Ito ay sa kabila ng naging desisyon ng COMELEC na i-disqualify siya na may kinalaman sa kanyang citizenship, the same case na kanyang na-experience nang una siyang tumakbo sa pagka-vice mayor ng Makati in 1998. Noon, kinatigan siya ng Supreme Court at siya’y naupong bise alkalde ng siyudad.  Pero pagkatapos ng 21 years ay naulit ito for the same case na ibinabato sa kanya.  Kahapon, May 9 ay nag-file ng motion for reconsideration ang kampo ni Edu lalupa’t matagal na itong nabigyang-linaw sa desisyon  ng Kataas-taasang hukuman.

Naniniwala si Atty. Brillantes at si Edu na ito’y politically-motivated lalupa’t sumisipa ang kanyang ratings sa survey.  Nagpapasalamat din si Edu  sa kanyang katunggali dahil magmula nang i-anunsyo ang kanyang disqualification nung nakaraang Lunes, May 6 ay lumobo ang kanyang social media followers at lalo umanong dinagsa ng mga tao ang kanilang mga  campaign sorties.

“Walang atrasan,  tuloy ang laban,” paniniguro ng ama ni Luis Manzano na 11 taon nang residente ng Greenhills, San Juan.

Bago pa man pinasok ni Edu ang pulitika in 1998 ay matagal na niyang ni-relinquish ang kanyang US citizenship bagay na binabalik-balikan ng kanyang mga katunggali sa pulitika at ginagawang bala laban sa kanya.

Samantala, kahit anak ni Edu ang sikat na TV host-actor na si Luis Manzano at kasintahan nito ang aktres na si Jessy Mendiola ay never umano siyang nag-take advantage sa mga ito para gamitin sa kanyang political career.

Si Luis ay dumating lamang umano sa proclamation rally at malamang na dumating din ito sa miting de avance pero never umano niya ito pinapunta sa barangay rallies dahil bukod sa busy rin ito sa kanyang mga commitments, ayaw ni Edu na magtampo ang ibang barangay na hindi nito (Luis) mapupuntahan.    

Kapag nahalal si Edu sa pagka-kongresista ng San Juan, tiyak na magkakasama na sila sa kongreso ng kanyang ex-wife na si Rep. Vilma Santos-Recto who is running for the second term bilang kinatawan ng Lipa habang incumbent senator naman ang mister ngayon  ni Cong. Vi na si Sen. Ralph Recto.