Ejay, nagulat sa disiplina ng katrabahong Korean actors

September 29, 2018
Ejay Falcon and Chae Soo Bin
Ejay Falcon and Chae Soo Bin

Dumating na si Ejay Falcon mula sa South Korea kung saan ay nag-shoot siya ng guesting niya para sa upcoming Korean drama na Where Stars Land ng SBS starring Lee Je Hoon (na huling napanood sa K-drama na Tomorrow with You) at Chae Soo Bin (leading lady sa I’m Not A Robot).

Nakatakdang mapa-nood si Ejay kasama si Lauren Young sa isang episode ng Where Stars Land at first time itong mangyayari na ang Pinoy stars ay mapapanood sa isang K-drama.

Nakausap namin si Ejay last Friday sa office ng PPL Entertainment ni Perry Lansigan na siyang co-manager niya at napakaraming kwento ng aktor tungkol sa naging experience niya  especially sa filming process ng isang K-drama.

Amazed na amazed si Ejay dahil ibang-iba raw ang sistema ng produksyon kaysa sa atin. Napaka-disiplinado raw ng mga Koreano at pagdating daw sa set, simula na agad ng trabaho.

Pagdating na pagdating nga raw niya sa Incheon International Airport at 4 a.m. ay salang na agad siya sa shooting dahil sa airport ang eksena niya that day.

Napakamabusisi raw ng mga Koreano sa paggawa ng serye. Kung dito raw sa atin ay 40-50 sequences a day ang natatapos, doon daw ay 4 sequences lang at talagang pang-pelikula ang kalidad.

“Saka in terms of equipment, medyo may konting difference talaga. Advance sila nang kaunti sa atin talaga. Kaya ang bilis gumalaw ng mga tao. Wala silang kable-kable, lahat de-battery. So, ang bilis ng galawan.

“Tapos makikita mo, walang petiks, walang cellphone sa set, wala talaga, bawal. Walang picture-picture. In character ka talaga,” kwento ni Ejay.

Paano nga ba nangyari na napili siyang mag-guest sa nasabing K-drama?

“Bigla na lang tumawag ang handler ko sa akin at sabi niya, “Ejay, napipisil ka namin na papuntahin ng Korea, tapos ’eto ’yung script.’

“Sabi ko, ‘ikwento mo muna sa ‘kin kung ano ang story.’ Tapos ikinuwento niya sa akin, tapos nag-send ng synopsis sa email ko. And then, binasa ko. Sabi ko, ‘okay, tara!’”

Hindi rin niya alam kung paano nag-decide ang Korean producers na kunin siya at marahil daw ay nag-submit ang Star Magic ng portfolio niya or something.

Gagampanan ni Ejay sa Where Stars Land ang isang OFW na pumunta ng Korea para makita ang asawa niyang manganganak na na ginagampanan ni Lauren.

Sa kwento ay illegal ang visa niya at nabuking agad sa immigration kaya nagkaroon ng habulan. May pagka-action ang role niya at may mga fight scenes din daw siya. May mga eksena rin daw siya sa dalawang lead stars.

Nagustuhan ni Ejay ang istilo ng paggawa ng serye sa South Korea at sana nga raw ay magkaroon pa siya ulit ng offer for a K-drama dahil medyo nabitin daw siya sa Where Stars Land.

Magsisimula ang airing ng Where Stars Land sa Korea on Oct. 1 at ang episode nina Ejay at Lauren ay mapapanood sa Oct 9, 4th episode.