#Eleksyon2019 ng GMA 7, kahanga-hanga, Mike nag-trending

May 15, 2019

NAPA-WOW kami sa #Eleksyon2019 coverage ng GMA 7 dahil sa ganda ng graphic effects. Nang i-present nila ang mga nagunguna sa unofficial result ng senatorial lineup, isa-isang lumabas ang holograms ng mga nananalong senador na parang nasa loob sila ng studio. Given na kasi na mahuhusay ang mga anchor at reporters nito pero di namin kinaya ang graphics effects na ginamit para sa nasabing election coverage. Opening gap pa lang, pasabog na ang pa-ilaw sa GMA building nito na tugma sa kulay ng watawat ng Pilipinas. Nakakabilib pang lalo ang immersive graphics at animations na binida ng Kapuso coverage na naging usap-usapan sa social media. Sa pamamagitan nga ng mga makabagong teknolohiya, mas  naipaintindi ng mga GMA News pillars na sina Mel Tiangco, Mike Enriquez, Vicky Morales, Arnold Clavio, Howie Severino, at Jessica Soho ang mga impormasyon ukol sa midterm elections.

Top trending naman nitong Martes si Mike dahil sa mga matatapang at diretsahan niyang salita na ukol sa katatapos lang na eleksyon.  Nasapul nga raw ng Imbestigador ng Bayan ang sentimiyento ng maraming Pilipino na nagtatanong kung ano ang maaasahan natin sa mga nanalong kandidato. Sa isang punto ng #Eleksyon2019 coverage, tila di na napigilan ni Mike ang sarili at sinabi: “Gusto ko silang singilin. Ano’ng maasahan namin sa inyo ngayon? Lahat ‘yan nangako eh. Kung kalahati lang sa pangako ng mga kandidato ay magkatotoo — kalahati lang, hindi siyento por siyento —  aba eh napakagandang lugar nitong Pilipinas.”

Umani ng papuri sa netizens ang ginawang ito ni Mike. Sinasalamin daw ng Kapuso news pillar ang nararamdaman ng karamihan ngayon. Kahit napakalaki ang posibilidad na ma-misinterpret at ma-bash siya ng ibang mga tao, hindi ito naging dahilan upang tumahimik na lamang siya. Isa lang ang malinaw: talagang walang kinikilingan si Mike lalo na’t kapakanan ng bansa ang usapan.