Empress, muntik mag-quit sa showbiz

November 27, 2018
Empress Schuck

Muntik na palang mag-quit sa pag-aartista si Empress Schuck bago pa man mabuntis sa first baby na si Athalia three years ago.

“Hindi na po ako happy,” sabi ni Empress sa presscon last Sunday ng pelikulang Kahit Ayaw Mo Na, “kasi, siyempre, seven years old pa lang ako, nagtatrabaho na ako as artista.”

Noong bata raw siya hanggang sa magdalaga, lahat ng sabihin ng magulang niya ay sinusunod lang niya kasama na nga ang pag-aartista.

Kaya dumating na rin daw siya sa point na parang napagod at gagawin naman niya ang mga bagay na magpapasaya sa kanya.

Hanggang sa na-in-love na nga siya sa non-showbiz guy na si Vino Guingona and unexpectedly got pregnant.

Du’n daw niya nakita ang kaligayahang matagal na niyang hinahanap.

“Lalo na nu’ng nagka-baby ako, parang ’eto pala ’yung happiness. Gusto ko ’yung family ko, gusto ko si Athalia, gusto ko si Vino, kaming tatlo lang.

“Do’n ako naging happy. Hindi ko alam, parang blessing talaga ni God na biglaan,” ani Empress.

Kaya naman pagkatapos manganak ay nagsabi na raw siya sa manager niya na si Becky Aguila na gusto na niyang tumigil sa showbiz.

Pero nagkataong na-cast siya sa pelikulang Goyo: Ang Batang Heneral kaya pinayuhan siya ng manager niya na i-try munang gawin ang nasabing movie.

From there, saka na siya magdesisyon ulit.

Ginawa nga ni Empress ang Goyo at ngayon ay thankful siya na sinunod niya ang manager dahil after doing the movie, nagkaroon siya ng peace of mind at na-realize na passion niya talaga ang pag-arte.

After Goyo ay nagkaroon pa siya ulit ng mga offer tulad ng seryeng Asintado sa ABS-CBN at ito ngang Kahit Ayaw Mo Na kaya nawala na rin sa isip niya ang pagku-quit sa showbiz.

Ngayon ay okay na siya at itutuluy-tuloy na niya ang pag-aartista. In fact, may isa pa raw siyang pelikulang ginagawa kung saan ay kasama naman niya si Lito Lapid na for next year’s release.

On the side, gusto rin daw niyang magnegosyo.

Sa Kahit Ayaw Mo Na, ginagampanan ni Empress ang role ni Joey, isang designer na naghahanap ng lugar para magsimula ng negosyo kaya nagpunta siya sa Samar kasama ang boyfriend na si Reggie na ginagampanan naman ni Daniel Matsunaga.

Filmed in Samar, kasama rin sa movie sina Kristel Fulgar and Andrea Brillantes at tatlo silang lead stars ng pelikula.

Also in the cast are Neil Coleta, Desiree del Valle and Allan Paule.

Mapapanood sa mga sinehan ang Kahit Ayaw Mo Na sa Dec. 5 mula sa direksyon ni Bona Fajardo under Viva Films, Blue Art Production, Spark Samar and Saga Prefecture Film Commission.