Filipino actors umeeksena sa international scene

October 08, 2019
Maja Salvador

MATAPOS tumanggap ng Asian Star Prize Award  mula sa Korean Drama Awards ng Seoul, Korea ang Kapuso actor na si Alden Richards nung nakaraang late August 2019, ang Kapamilya star at bida ng “The Killer Bride” na si Maja Salvador naman ang ginawaran ng Best Actress award ng 1st Asia Content Award na inorganisa ng Busan International Film Festival and Asian Film Market in South Korea.  Ang pagkakapanalo ni Maja ay dahil sa mahusay niyang pagganap sa nagtapos na hit afternoon TV series na “Wildflower” last February 2018.

Kahit mahigit isang taon nang nagtapos ang “Wildflower” ni Maja ay patuloy pa rin itong umiikot sa iba’t ibang bansa tulad ng Caledonia, Polynesia at Reunion at ilang French-speaking areas in Africa dahil sa partnership ng ABS-CBN at ang Ampersand Fiction, isang French content distributor.  Nakatakda rin itong mapanood sa Madagascar sa buwang ito.

Kamakailan lang din ay dumalo ang Soap Opera Queen na si Judy Ann Santos sa 24th Busan International Film Festival in Busan, South Korea kung saan isa sa mga kalahok ay ang pelikula niyang  “Mindanao” na pinamahalaan ng Cannes Best Director na si Brillante Mendoza at tinampukan din nina Allen Dizon at Vince Rillon.

Sa kanyang acceptance speech, pinasalamatan ni Maja ang kanyang co- actors (with special mention to Tirso Cruz III) at ang bumubuo ng “Wildflower” maging ang Star Magic bosses na siyang nangangalaga ng kanyang career.

Si Maja ay napapanood ngayon sa kanyang primetime teleserye, ang “The Killer Bride” kung saan niya co-star ang kanyang pamangkin (sa pinsan) na si Janella Salvador.