Fumiya may naghihintay na career

March 23, 2019

ANG Japanese national vlogger na si Fumiya Sankai ay binigyan ng surprise 24th birthday celebration ni Big Brother sa loob ng Pinoy Big Brother: Otso at hindi nito inaasahan na sosorpresahin siya ng kanyang ama at dalawang kapatid na nanggaling pa ng Japan.

Hindi maipinta ang mukha ni Fumiya sa pagkagulat nang makita ang ama at mga kapatid sa loob mismo ng PBB house.

Ang itinuturing na best friend sa loob ng Bahay ni Kuya na si Wiliam `Yam-Yam’ Gucong ang nanguna sa tasks na inibigay ni Kuya para matupad ang surprise birthday para kay Fumiya.

Sina Fumiya at Yamyam ay inaasahang papasok sa Big 4 ng adult division ng PBB: Otso.

Maraming manonood ang natutuwa kina Fumiya at Yamyam sa loob ng PBB house dahil pareho silang mabait at walang `masamang tinapay’ sa kanilang katawan.

Hindi pa man natatapos ang PBB: Otso, tiyak na may naghihintay nang career sa showbiz ang Japanese guy na si Fumiya na sobrang napamahal sa Pilipinas at sa mga Pinoy in general.