Golden Canedo at Jeremiah Tiangco, binalikan ang kanilang ‘The Clash’ journey

July 09, 2020
Christian Bautista

Sa latest YouTube vlog ng Asia’s Romantic Balladeer at The Clash judge na si Christian Bautista, binalikan ng The Clash winners na sina Golden Canedo at Jeremiah Tiangco ang naging experience at journey nila sa singing competition.

Natutunan daw ni Golden na maging matatag at matapang. Pagbabahagi niya, “Nung nasa Cebu po ako, madali po akong mag-give up sa isang bagay. Madali akong sumuko 'pag feeling ko 'di ko kaya. Pero noong sumali ako sa The Clash, du’n ko po napatunayan sa sarili ko na kahit na sino ka, may experience ka man o wala, kahit anong edad mo, pero 'pag binigay mo ang best mo at kung para sa 'yo talaga, makukuha mo.”

Kwento naman ni Jeremiah, naging daan daw ang programa para mahasa ang kanyang pasensya. “Unang-una sa lahat, top 64 po kami, so bago ka maturuan ni Ms. Jai Sabas-Aracama (The Clash vocal coach), dadaaan ka sa maraming competitors bago ka masalang. Suwerte mo kung mauuna ka, malas ka kung mahuhuli ka. Araw-araw po s'ya, nagiging routine mo s'ya hanggang sa masanay ka na ay normal na lang pala sa 'yo 'to. Talagang nahubog po talaga 'yung ugali ko.”

Mapapanood ang buong vlog ng kuwentuhan nina Christian, Golden at Jeremiah sa official YouTube channel ng Asia’s Romantic Balladeer.