Home>Entertainment>Showbiz>Hiling ng ama na may cancer pinagbigyan ni Ice

Hiling ng ama na may cancer pinagbigyan ni Ice

Ice Seguerra
Ice Seguerra

UMALIS kahapon, Friday, October 16, papuntang Calauag, Quezon ang buong pamilya ng dating National Youth Commission chairperson, ang singer-songwriter, hitmaker and actor na si Ice Seguerra dahil sa kahilingan ng kanyang amang si Decoroso Seguerra or Daddy Dick who is currently suffering from terminal prostate cancer. Request umano ng ama ni Ice na makita ang kanyang hometown at mga kaanak sa nasabing lugar na pinagbigyan naman ni Ice kasama ang kanyang mommy na si Mommy Caring, adoptive brother na si Juan Carlos at personal caregiver ni Daddy Dick.

Ayon sa singer-actor, lahat umano ng mga request ng kanyang dad ay sinusunod nila. Except for pain management, lahat ng iba’t ibang treatment ay nahinto na at kasama na rito ang chemotherapy, radiation at iba pa.

Masakit man para kay Ice ang kalagayan ng kanyang ama ay tanggap na ng kanyang pamilya kung hanggang kailan nila ito makakapiling.

Daddy Dick’s prostate cancer was diagnosed in 2013 at matagal-tagal din niyang nilalabanan ang kanyang sakit hanggang ngayon pero ang cancer cells ay kumalat na sa kanyang bones at ibang bahagi ng katawan.

“I hate seeing my dad in his present condition. Sobrang payat na niya pero nakukuha pa nitong magpatawa at napaka-lucid pa rin ng kanyang pag-iisip. Nakapag-usap na rin kami nang masinsinan, nagkapatawaran kaya magaan ang aming pakiramdam,” pagtatapat ni Ice.

Ayon kay Ice, nag-request pa umano ang kanyang ama na magpakuha sila ng picture nang naka-barong umano sila ng brother niya habang naka-costume naman umano ang dad niya ng Tarzan at ibang costume naman si Mommy Caring.

“Since naka-pampers naman na si Daddy, siguro naka-Cupid costume na lang siya,” natatawang kuwento ng singer-composer at actor.

Sa kabila ng malalang kundisyon ng kanyang ama, ginagawang `normal’ na lamang ni Ice at ng kanyang pamilya ang lahat. Sobra naman ang kanyang pasasalamat sa kanyang brother na si Juanchy (Juan Carlos) dahil ito ang nag-aalaga at kasa-kasama ngayon ng kanyang parents dahil nakabukod ng tirahan si Ice with his partner na si Liza Dino and her 12-year-old daughter na si Amara Espinosa.

Artificial insemination tuloy para kay Liza

SAMANTALA, couple Ice and Liza Dino are celebrating several special dates na significant sa kanilang dalawa. Una ang petsang January 8 (2013) dahil ito umano ang date na muli silang nagkita after 13 years without communication. Ang second date ay ang March 5 (2013) dahil ito umano ang araw na naging sila bilang magkasintahan, araw na sinagot ni Liza si Ice. Mahalaga rin sa kanila ang May 14 (2013) dahil nagpakasal silang dalawa sa Las Vegas, Nevada as their commitment ceremony. December 8, 2014 naman nang sila’y magpakasal sa Ben Lomond, Santa Cruz, California, USA (which the couple considers their legitimate wedding) na sinundan ng kanilang January 8, 2015 ceremonial wedding na ginanap sa Kota Keluerga, Laiya, San Juan, Batangas.

The other significant dates ay ang kanilang respective birthdays – September 17 (Ice) at June 25 (Liza).

Sa aming exclusive na panayam sa mag-asawang Ice at Liza, inamin ng una na first time silang nagkakilala sa taping ng isang soap when Ice was only 16 at 18 naman si Liza. At that time ay may boyfriend pa si Liza at may girlfriend naman si Ice. Pero aminado ang dalawa na may attraction na umano sa kanilang pagitan pero hindi umano ito nagtuluy-tuloy until they drifted apart for 13 years. Liza moved to the US where she had a stable job, nag-asawa at nagkaroon ng isang anak na si Amara Espinosa. Pero nauwi sa hiwalayan ang relasyon ni Liza sa kanyang husband.

Inamin naman ni Liza na siya umano ang unang nag-tweet kay Ice na agad naman sinagot ng huli.

Bumalik ng Pilipinas si Liza to pursue her acting career.

“I was in a new relationship at that time pero sobra akong na-excite nang mag-tweet siya (Liza) kaya very memorable sa aming dalawa ang petsang January 8 (2013) dahil `yun ang araw na muli kaming nagkita pagkatapos ng 13 years,” pag-amin ni Ice.

Sa darating na December 8, the couple will be celebrating their 6th wedding anniversary.

Inamin din ng dalawa na hindi naging madali sa kanila ang kanilang relasyon dahil sa acceptance ng kanilang respective families laluna ng kaisa-isang anak ni Liza sa kanyang ex-husband na si Amara.

Sa parents ni Liza, it was her mom who resented their union pero sa katagalan ay tinanggap at naging supportive na rin ito. Hindi naman nagkaroon ng problema si ice sa kanyang parents na sina Mommy Caring at Daddy Dick na sa day one pa lamang ng kanilang relasyon ni Liza ay tanggap na nila.

Sa parte naman ng daughter ni Liza, she admits na hindi rin agad-agad natanggap ni Amara ang relasyon ng kanyang ina kay Ice.

“It was a journey,” ani Liza.

Sa simula ay Ate ang tawag ni Amara kay Ice. Then Tita. Pagtagal-tagal ay ginawa niya itong Baba pero ngayon ay Dad na ang tawag niya sa singer-actor bagay na ikinatuwa ni Ice.

Wala umanong nag-obliga kay Amara na tawaging Dad si Ice. Although meron siyang biological dad, Liza admits na super close umano ang kanyang anak sa kanyang partner ngayon na si Ice.

Samantala, itutuloy pa rin umano nina Ice at Liza ang kanilang pagkakaroon ng sariling anak sa pamamagitan ng artificial insemination kapag hindi na ganoon ka-busy si Liza sa kanyang trabaho bilang chairman ng Film Development Council of the Philippines.

Naka-freeze na umano ang egg cells ni Ice gayundin din ang sperm cells ng kanilang American male donor at ililipat na lamang kay Liza when she’s ready to have a child.

In their almost 6 years as a married couple, parehong inamin nina Ice at Liza na never umano silang nagkaroon ng away na puwedeng maging dahilan ng kanilang paghihiwalay.

“We argue at times. Nagkakaroon din ng tampuhan pero hanggang doon lang `yun. Nothing serious,” pahayag ni Ice.

Very supportive din ang couple pagdating sa kanilang respective careers. Sobrang nasaktan si Ice nang sunud-sunod na batikusin si Liza ng iba’t ibang sector na may kinalaman sa kanyang trabaho as FDCP chair.

“Tao lamang si Liza at nasasaktan. Talagang iniyakan niya ang mga akusasyong ipinukol sa kanya lalupa’t hindi naman totoo, ” ani Ice.

“Iisa lamang ang goal ni Liza, ang magkaroon ng suportahan at pagkakaisa sa industriya,” diin niya. “Dapat nagkakatulungan at hindi nagkakawatalk-watak. Gusto lamang niyang makatulong but oftentimes, she is misinterpreted,” paliwanag pa niya.

Inamin din ni Liza na wala umano siyang intention na apakan ang mga pillar at itinuturing na mga institusyon ng industriya.

“I have so much respect for them,” pag-amin ng FDCP chairperson.

“Ang gusto ko lang naman ay magkatulungan kami para unti-unting makabangon ang industrya laluna ngayon sa panahon ng pandemya,” dagdag pa niya.

Abangan ang aming exclusive na panayam kina Ice at Liza sa “TicTalk with Aster Amoyo” on YouTube.

Publication Source :    People's Journal
Aster Amoyo
Member: Professional Artists Managers Inc. (PAMI)